Pamamahagi at pagbebenta ng Dengvaxia, ipinatigil

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 11:05 PM

Ipinatitigil na ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagbebenta at pamamahagi sa merkado ng bakuna kontra dengue na Dengvaxia.

Ito ay matapos lumabas sa pag-aaral ng Sanofi Pasteur na maaaring magkaroon ng mas malalang uri ng dengue ang mga nabakunahan nito na hindi pa nagkakaroon ng dengue. 

Inaatasan ng FDA ang Sanofi Pasteur na i-pullout ang suplay ng Dengvaxia sa merkado at magsagawa ng information dissemination campaign.

Hinimok din ng FDA ang mga botika, health care professionals gaya ng mga doktor at nurse, maging ang mga mamimili na tumulong sa isasagawang post marketing surveillance sa mga naging epekto sa kalusugan ng Dengvaxia vaccine.

Watch more in iWant or TFC.tv

'Mga magulang ng nabakunahan ng Dengvaxia, di dapat mabahala'

Samantala, sinabi ng Department of Education (DepEd) na wala pang report na may napahamak na dahil sa bakuna.

Patuloy pa rin sila sa monitoring lalo na sa mga eskuwelahan sa tatlong rehiyong nakatanggap ng bakuna.

Sinabi rin ng DepEd na hindi dapat mabahala ang mga magulang ng mga nabakunahan kahit pa pinapirma sila noon ng waiver.

Ayon naman kay Sen. Risa Hontiveros dapat maging responsable ang manufacturer ng bakuna na Sanofi Pasteur kung may mapapahamak dahil sa Dengvaxia.

Hinimok din ni Hontiveros ang Department of Health (DOH) na magkaroon ng kompletong database para sa tinatayang 700,000 nabakunahan kung saan 70,000 umano nito ang mga hindi pa nagkaka-dengue.

Samantala, pinag-iisipan na ng DOH kung babawiin ang P3.5 bilyon na ipinambayad nito para sa Dengvaxia vaccine.

"Isa ‘yan sa mga konsiderasyon na ibalik ‘yung mga bakuna at tingnan natin kung ano ang sasabihin nila pero isa sa mga options natin ‘yan na ibalik ‘yung pondo, balik-bayad ‘yung 3 billion... 3.5 billion," ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.

-- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.