Pagproseso sa OEC, tuloy matapos ang suspensiyon

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 09:51 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inalis na ng Department of Labor and Employment ang suspensiyon sa pagproseso ng mga bagong overseas employment certificate (OEC).

Ibig sabihin, puwede na ulit makaalis ng bansa ang mga bagong recruit na overseas Filipino worker (OFW).

Sinuspende ang pagproseso ng OEC ng mga bagong hire na land-based workers mula November 13 hanggang December 1 para bigyang daan ang imbestigasyon sa umano'y korupsiyon ng ilang tauhan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na kasabwat ng mga illegal recruiter.

Dalawang opisyal na ang tinanggal sa puwesto at may mga inilipat ng departamento. 

Aminado ang POEA, hindi pa talaga tapos ang imbestigasyon dahil posibleng marami pa ang sangkot.

"Aalamin po natin ang puno't dulo po ng lahat kaya of course po, 'yong binanggit po noon, we will not stop there... 'yong guilty po sa mga irregularities na ito ay pihadong matatamaan," ani POEA Undersecretary Bernardo Olalia.

Nirerepaso na rin ng POEA ang mismong proseso ng pag-iisyu ng OEC para hindi na maulit ang mga insidente ng korupsiyon.

Sa taya ng POEA, nasa 45,000 na bagong hire na OFW ang naapektuhan ng dalawang linggong suspensiyon ng pagproseso ng OEC. Pero nitong weekend, mano-manong nagproseso ang POEA kaya dapat ay wala nang backlog o naiwang ipoproseso at balik na sa normal ang kanilang sistema ngayon.

Pero kahit wala nang suspensiyon, nagrereklamo pa rin ang mga nag-a-apply dahil sobrang tagal daw na mailabas ang mga OEC.

Ayon sa ilang agency na naglalakad ngayon ng mga papeles ng mga Pinoy worker, lalo pang tumagal ang hintayan para sa release ng mga OEC.

"Nag-aalisan ang mga employer tapos ang mga worker namin, [nag-e]-expire ang visa," ani Heidi Pangan, liaison officer ng isang agency.

Itinanggi naman ng POEA na mayroon pa ring problema dahil balik na raw sila sa electronic processing.

Posible raw na talagang marami lang ang nag-a-apply dahil normal na mataas ang bilang ng deployment ng mga OFW tuwing Disyembre.

Payo nila sa mga kumukuha ng OEC, tiyaking dala lahat ng requirements para hindi na maantala ang pagproseso ng kanilang OEC.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.