Pagpatay sa 'aktibistang pari' kinondena

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 10:48 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Patay ang isang 72 anyos na aktibistang pari sa bayan ng Jaen, Nueva Ecija matapos tambangan ng mga armadong lalaki noong Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima bilang si Fr. Marcelito "Tito" Paez na pinagbabaril ng apat na lalaking sakay ng motorsiklo sa Barangay Lambakin sa Jaen.

Naisugod pa si ospital si Paez pero agad ding binawian ng buhay.

Bago patayin, kasama umano ni Paez ang political prisoner na si Rommel Tucay, na kalalaya lang mula sa pagkakabilanggo sa Cabanatuan City.

Wala namang maisip na motibo ang mga kaanak ni Paez, na dalawang taon nang retirado sa pagiging pari.

Kinondena ng Promotion of Church People's Response, Karapatan at iba pang mga grupo ang pagpaslang sa pari.

Nagdaos ang mga grupo ng indignation action nitong Martes ng tanghali sa Boy Scout Circle sa Timog Avenue, Quezon City para kay Paez at sa isa pastor mula Oriental Mindoro na binaril umano ng mga sundalo noong Linggo, Disyembre 3.

Tiniyak ng Malacañang na tututukan nila ang insidente ng pamamaril kay Paez.

"If the authorities decide that this is an instance of killing an activist, then we have AO (Administrative Order) 35 that was created precisely to investigate and prosecute these cases," ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang press briefing nitong Martes.

("Kung desisyon ng mga awtoridad na ito'y kaso ng pagpatay sa isang aktibista, mayroon tayong AO 35 na ginawa para imbestigahan at isakdal ang mga ganoong kaso.")

Nakapaloob sa AO 35 ang pagbuo ng isang inter-agency committee na titingin sa mga kaso ng extrajuidicial killing, enforced disappearances o paglaho, at torture o labis na pagpapahirap.

Ang mga ito ay paglabag sa karapatan sa buhay, kalayaan, at seguridad ng tao.

Kinondena rin ni Bishop Roberto Mallari ng San Jose, Nueva Ecija ang pagpatay.

Kasalukuyang coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines sa Central Luzon si Paez.

Huli itong nagsilbing parish priest sa bayan ng Guimba, Nueva Ecija.

Naging aktibo din si Paez noong dekada '80 bilang pinuno ng Central Luzon Alliance for a Sovereign Philippines na nagkampanya para matanggal ang base militar ng Amerika sa Central Luzon at iba pang bahagi ng bansa.

-- May ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.