Mga nagtitinda sa tulay, sinisi sa basura, mabagal na usad ng trapiko

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 12:35 PM

Sinugod ng mga awtoridad nitong Martes ng umaga ang Pateros Bridge sa may J.P. Rizal Extension matapos makatanggap ng mga reklamo hinggil sa mga ilegal na tindahan na nagiging mitsa ng mabagal na daloy ng trapiko.

Pinangunahan nina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim at Pateros Mayor Miguel Ponce III ang operasyon.

Subalit walang nagtitindang naabutan ang mga awtoridad kaya nagpaskil na lang sila sa pader sa tulay ng karatulang nagsasaad na bawal magtinda sa lugar.

Idinulog din sa lokal na pamahalaan ang pagtatapon umano ng mga tindero ng basura sa Pateros River kaya hindi na umaagos ang tubig dito.

Ayon kay Lim, mayroon namang palengke malapit sa lugar pero mas pinipili ng mga taong sa kalsada magtayo ng puwesto dahil doon dumadaan ang mga tao.

Dagdag ni Lim, nagiging dalawa na lang ang dapat ay apat na lane na kalsada dahil sa mga nakaharang na tindahan.

Iginiit naman ni Ponce na hindi na epektibo ang pagpapaalis sa mga tindahan o pagkumpiska ng mga paninda kaya kailangan umano ng pangmatagalang solusyon.

Damay rin sa perwisyong dulot ng mga nagtitinda ang kalapit na Barangay Comembo sa Makati.

Balak ng lokal na pamahalaan ng Makati na ilipat ang mga manininda sa isang permanenteng palengke pero pansamantala muna sila sa gilid at ilalim ng tulay.

Inatasan ng MMDA ang mga tauhan ng Barangay Comembo na bantayan ang lugar at tiyakin na walang lalabag sa pagbabawal sa pagtitinda.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.