Caravan vs jeepney modernization, nauwi sa gulo

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 12:17 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nauwi sa gulo ang kilos-protesta ng mga jeepney driver at operator kontra modernization program matapos ilang beses tangkain ng mga awtoridad na hatakin ang kanilang mga sasakyan.

Sinita ng mga tauhan Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Land Transportation Office (LTO), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga demonstrador dahil "out of line" ang mga jeep na isinama sa protest caravan.

Ang iba rito'y biyaheng Taytay-Montalban at Mandaluyong, kaya wala umano itong pahintulot na dumaan sa España Boulevard sa Maynila.

Tumigil kasi ang protest caravan sa España dahil doon makikipagtagpo ang mga demonstrador sa ibang aktibistang pangkat.

Tinangkang tanggalin ni Jose Manuel Bonnevie, pinuno ng Task Force Alamid ng LTO, ang mga nakasabit na tarpaulin sa jeep pero hindi siya pinayagan ng mga demonstrador.

May dalang 20 trak ang MMDA para hatakin ang mga jeep pero humarang ang mga demonstrador.

Kasama ang mga aktibista, tumungo ang mga demonstrador sa Mendiola para magdaos ng programa at ipahayag ang kanilang hinaing at pagtutol sa jeepney modernization program.

Bago nito'y nagkaroon ulit ng sagupaan sa pagitan ng mga demonstrador at awtoridad sa Morayta.

Ayon sa transport group na Piston, kakasuhan nila ang mga awtoridad dahil sa kanilang pagharang sa protest caravan.

Kakasuhan din naman ng LTFRB ang mga demonstrador dahil may nasuntok umanong tauhan ng Inter-Agency Council for Traffic at nabasag ang salamin ng isang tow truck.

Sa Disyembre 10, kasabay ng International Human Rights Day, magdaraos ulit ang mga transport group ng protesta kontra modernization.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.