Basehan ng pag-aresto kay San Mateo, 'tulog na batas': abogado

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 07:13 PM

Inaresto nitong Martes ng umaga ang lider ng grupong Piston na si George San Mateo dahil sa paglabag umano sa Public Service Act kaugnay ng malawakang tigil-pasada na isinagawa noong Pebrero.

Pero inilarawan ng abogado niya na si JV Topacio bilang “tulog na batas” ang basehan ng kaso dahil 1930s pa nagawa ang Commonwealth Act Number 146 o ang Public Service Act. 

“Actually kaya siya medyo vague kasi it’s a Commonwealth Act so it was implemented during the 30s. So kung di ako nagkakamali, 1936 ito in-enact, itong batas na ito. So matagal nang tulog na batas talaga. Actually sabi nga namin wala pang jeep noong 1930,” ani Topacio. 

Paglilinaw ni Topacio, hindi pa naman naideklarang 'unconstitutional' ang nasabing batas ngunit matagal na itong hindi nagagamit at kapansin-pansin aniya na ito ang napiling basehan ng kaso laban kay San Mateo.

“Actually technically since hindi pa naman siya nade-declare na unconstitutional, puwede nilang sabihin na it’s been in effect although sabi ko nga sa’yo, hindi na siya pina-practice. Tulog na siya na batas… so nakakatawa lang na dahil biglang may ganitong insidente ay ‘yun ang nakita nila na ifa-file na kaso against dito kay kasamang George.”

Poe, duda sa layunin ng pag-aresto

Samantala, sinabi rin ni Senador Grace Poe na tila kaduda-duda ang layunin ng complainant sa pagsasampa ng kaso laban kay San Mateo bagamat nirerespeto niya ang mga Korte.

Naniniwala si Poe, pinuno ng Senate committee on public services, may karapatan ang sinuman na magtipon-tipon sang-ayon sa batas.
    
Para sa senador, hindi malinaw kung anong bahagi ng Public Service Act ang nilabag ni San Mateo.

Kung paglabag aniya ang paglahok sa strike sa ilalim ng memorandum ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), multa ang nararapat na parusa para rito kundi naman kaya ay suspensiyon o kanselasyon ng prangkisa at hindi ang pagkakakulong.

‘Overkill ang pag-aresto’

Bukod naman sa batas na naging basehan ng pagdakip kay San Mateo, idinaing din ni Topacio na ‘overkill’ ang nangyaring pag-aresto sa transport group leader. 

Kuwento niya, handa namang sumuko at magpiyansa si San Mateo ngunit inaresto na ito paglabas pa lamang ng sasakyan sa Quezon City Hall of Justice. 

“This is a clear case of harassment. Ang kaso ay minor case lang pero overkill ‘yung ginawang pag-aresto. ‘Yung dami ng pulis kanina, ‘yung nagsu-surveillance team sa court the whole morning, masyadong overkill ‘yung nangyari,” ani Topacio. 

Matatandaang umaakyat pa lang ng entrance si San Mateo nang nagkagulo na at pinilit siyang kinakaladkad ng mga pulis.

Matapos basahan ng kaniyang mga karapatan, dinala si San Mateo sa Quezon City Police District (QCPD) Station 10 kung saan siya sumailalim sa booking procedure at kinuhanan ng mugshot.

Agad din siyang in-escort ng mga pulis pabalik ng Hall of Justice para sa pagpipiyansa ng P4,000 sa Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 43. 

Bukod kay Topacio, sinabi rin ni San Mateo na harassment at pananakot lang ang pag-aresto sa kaniya.

“Alam niyo, ang gusto nga nila kaya nga nila ito ginagawa sa akin, sa atin, para takutin tayo pero kabaligtaran dapat ang mangyari. Dapat mas lalong lumakas ang loob natin,” ayon kay San Mateo. 

Paglilinaw naman ni QCPD Station 10 Commander Superintendent Christian dela Cruz, sumunod lang sila sa proseso kapag may warrant of arrest.

Maayos din aniya ang kanilang trato kay San Mateo na hindi anila pinosasan.

“Walang pagmamalabis, kung makikita niyo, proper procedure,” aniya. 

Palasyo, dumipensa

Dumipensa rin ang Palasyo sa pagkaka-aresto kay San Mateo at sinabing hindi pangha-harass ang pagsasampa ng kaso laban dito.

“We are just allowing the rule of law to prevail,” giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

"It is criminal and it is illegal for them to participate in any tigil-pasada. As I said, it is also pursuant to a warrant of arrest duly issued by a court and therefore, there can be no harassment here… The warning was made, he defied, he now has to face the consequences,” dagdag pa niya. 
     
Paliwanag ni Roque, paglabag sa Section 19 ng Commonwealth Act Number 146 ang kinakaharap ngayon ni San Mateo dahil sa transport strike na isinagawa noong Pebrero na sinundan noong Oktubre kung saan nagkansela pa ng pasok ang Palasyo.

Nilinaw ni Roque na ginagarantiya ng Saligang Batas ang right to peaceful assembly subalit may limitasyong itinatakda rito ang batas.

Babala pa ng kalihim, hindi pinapayagan ng batas ang transport strike lalo na ng mga nabigyan ng prangkisa na dapat sana’y magbibigay serbisyo sa publiko.

-- May ulat nina Joyce Balancio, Zandro Ochona, at Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.