'Basag-kotse', nambasag lalo nang walang manakaw sa sasakyan

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 10:22 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Pinaghahanap ngayon ang dalawang teenager na nambasag sa windshield at bintana ng isang elf truck sa North Fairview sa Quezon City.

Sa kuha ng CCTV, makikitang dumaan sa Atherton Street sa North Fairview ang dalawang teenager. 

Huminto-hinto sila at sinilip ang isang establisyimento hanggang sa nadaanan nila ang isang nakaparadang elf truck.
 
Makikitang nilagpasan na nila ang sasakyan pero muling binalikan saka binasag ang bintana nito. 

Pero nang walang natangay sa loob, binasag din nila pati ang windshield.

Hinahanap na sila ngayon ng mga kawani ng barangay. 

Nakikipag-ugnayan na rin ang barangay sa Quezon City Police District (QCPD) Station 5 para mahuli ang dalawang teenager.

Helper ng grocery, 'tumangay' ng motorsiklo, P6,000

Samantala sa North Fairview pa rin, huling nakita ang isang lalaki na minamaneho ang e-bike ng kaniyang amo sa pinagtatrabahuhang grocery.

Inutusan lang ang helper na kinilalang si "Jori" na bumili ng paninda sa grocery pero hindi na siya bumalik dala ang motor at P6,000 cash.

Sinampahan na ng kaso sa piskalya ng mga biktima ang suspek. 

Nagpaalala naman ang barangay sa mga kukuha ng boy o katiwala. 

“Kailangan din po ‘yung paghingi ng mga employer po ng NBI (National Bureau of Investigation) clearance, police clearance, barangay clearance para ma-screen din po sila nang maigi,” ayon kay Marlon Chan, kawani ng barangay. 

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.