TFC News

Angeline Quinto dumating sa UAE para sa Barrio Fiesta Dubai 2022

Randy Lamsen | TFC News UAE

Posted at Dec 04 2022 12:33 AM | Updated as of Dec 04 2022 12:51 AM

DUBAI – Dumating na sa Dubai ang Kapamilya star na si Angeline Quinto noong Biyernes, December 2 lulan ng isang Philippine Airlines flight. Si Quinto ang kukumpleto sa line-up ng mga Kapamilya artists na magtatanghal sa Barrio Fiesta Dubai 2022. 

Nagpa-sample agad ang Philippines “Queen of Teleserye and Movie Theme Songs” paglapag pa lang niya sa Dubai International Airport.

Paglabas ni Angeline, ilang fans ang nagpa-selfie agad nang makita siya. Suki na si Quinto ng Barrio Fiesta at nakailang beses na rin siyang nakapagtanghal sa Dubai.

“Last year ang huling punta ko sa Dubai nung buntis pa ako. Ito yun sumunod na pagpunta ko dito after kong nanganak. Sobra akong natutuwa na nabigyan ako ng chance ulit na makasama rito sa Barrio Fiesta kasi kung hindi ako nagkakamali medyo matagal yung time na nakasama ako sa Barrio Fiesta ng TFC, ng ABS-CBN,” sabi ni Quinto.

Kasama rin ni Quinto na magtatanghal sa Barrio Fiesta ang ilang Kapamilya artists na nauna nang dumating sa Dubai na sina AC Bonifacio, Kyle Echarri, Eric Nicolas at sina Donny Pangilinan at Belle Mariano (DonBelle) na abala sa pag-pro-promote ng kanilang pelikulang “An Inconvenient Love.”

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa UAE, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.

KAUGNAY NA VIDEO: