Patay ang isang 62-anyos na lolo matapos siya tadtarin ng taga at pugutan ng kaniyang apong menor de edad sa bayan ng Sigma, Capiz, Huwebes ng gabi.
Ayon sa Sigma MPS, nakita ng isang residente ang bangkay ng biktima na si Elpidio Alilang na nakahandusay sa Brgy. Mianay, Biyernes ng umaga, at nakahiwalay na ang ulo niya mula sa kaniyang katawan.
Agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad ang residenteng nakakita sa bangkay.
Naiulat na magkasamang naginuman si Alilang at ang 17-anyos na suspek sa birthday celebration ng kanilang kakilala, Huwebes ng gabi.
Unang nagpaalam na umuwi ang suspek, at makalipas ang ilang minuto, ay sumunod ding umuwi ang biktima, ayon sa mga awtoridad.
Pagdating sa madilim na bahagi ng kalsada ay inabangan umano ng suspek si Alilang at pinagtataga hanggang sa maputol ang ulo nito.
May dating alitan umano ang suspek at si Alilang matapos paratangan ng biktima ang suspek na kumuha ng itinagong karne ng baboy sa kaniyang bahay.
Magpinsan ang lolo ng suspek at ang biktima, ayon sa mga awtoridad.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Sigma MPS sa nangyaring insidente at patuloy na tinutugis ang suspek na nakatakas matapos ang krimen.
— Ulat ni Rolen Escaniel
KAUGNAY NA ULAT
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.