PatrolPH

2 sugatan sa pamamaril sa unibersidad sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2021 02:33 AM

MARAWI — Dalawa ang sugatan sa isang pamamaril sa loob ng Mindanao State University sa Marawi City nitong Huwebes.

Ayon sa pulisya, nakapasok sa paaralan ang isang Aripoden Mamacuna na noo’y hinahabol ng 3 armadong lalaki. Magtatago sana si Mamacuna nang mahanap at bugbugin ng mga lalake sa grandstand ng MSU. 

Umawat ang mga biktima na si Anwar Kiram at Mohaimen Maba at dito sila pinagbabaril ng mga suspek. Nagpulasan ang mga tao sa grandstand na noo’y dumadalo sa awarding ceremony ng BARMM Ministry of Sports.

Pinaputukan ng mga pulis na nasa lugar ang mga suspek at tinangkang arestuhin ang mga ito. Tinamaan ng mga pulis sa braso ang isa sa mga salarin pero nakataas pa rin ang mga ito.

Patuloy na pinaghahanap ang suspek na nakilala na umano. Inihahanda na rin ang kaso laban sa kanila, habang nagpapagamot sa ospital ang mga biktima.

Naglabas din ng opisyal na pahayag ang MSU kung saan sinabi ng mga tagapamahala ng paaralan na nagpursigi ang Department of Scurity Services sa pagpapatrolya sa loob ng campus pero may mga pangyayari pa rin na hindi nito kontrolado.

— Ulat ni Roxanne Arevalo

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.