Nagdala ng 2,000 relief packs ang ABS-CBN sa tatlong barangay ng Candaba sa Pampanga. ABS-CBN News
MAYNILA - Dahil sa lockdown, nagsara ang restoran kung saan nagtatrabaho si Resti Magat, residente ng Candaba, Pampanga.
Ang kaunting ipon niyang pera ay ginamit niyang pampuhunan sa itikan at pagtitinda ng itlog-pugo.
Pero dinamay ito ng bagyong Ulysses.
"Sinubukan namin kumpunihin ang aming puguan, pero ang lakas ng hangin. Nagkamatayan ang mga pugo namin dito," ani Magat.
Nag-aaral pa ang tatlong anak ni Magat at ang tangi niyang naisip na paraan para matustusan ang pamilya ay umisahan muli ang pagpu-pugo.
Bukod sa mga nasirang hanapbuhay, sariwa pa rin ang bakas ng mga nawasak na bahay sa buong bayan.
Pilit ibinabalik ni Restituto Sanguyo ang bubong ng kaniyang bahay na tinuklap ng hangin sa kasagsagan ng bagyo.
"'Yung hangin napakalakas po. Nanlata po ako noong nakita ko po," ani Sanguyo.
Ilang taon niya ring ipinundar ang kanilang tahanan kaya hindi niya maiwasang maging emosyonal tuwing nakikita niya ang pinsala ng bagyo.
Nagdala ng 2,000 relief packs ang ABS-CBN sa tatlong barangay ng Candaba, tulong sa muling pagsisimula nila.
PANAWAGAN
Patuloy na kumakatok ang ABS-CBN Foundation sa puso ng bawat Kapamilya para sa mga nasalanta sa mga nagdaang bagyo.
-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, public service, TV Patrol, coronavirus public service, Tulong-Tulong, relief, Ulysses, Ulysses relief operations, ABS-CBN public service, public service Philippines, ABS-CBN public service updates, Tulong-tulong sa pag-ahon