P6.5 milyong halaga ng shabu, marijuana nasabat ng Customs sa Clark port

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2019 06:17 PM

Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa P6.5 milyong halaga ng shabu at 30 milliliter ng marijuana sa port sa Clark, ayon sa ahensiya nitong Miyerkoles. 

Naharang ang 1.026 kilo ng shabu noong Nobyembre 27 at ang marijuana noong Martes, ayon sa pahayag ng BOC.

Idineklara umano ang shipment na naglalaman ng "external aquarium filter" pero pinagdudahan ito ng mga awtoridad kaya pinaikutan ng mga K-9 unit ng BOC.

Sa isinagawang physical examination, natuklasan ang 2 pakete ng shabu.

Agad na naglabas ang BOC ng warrant of seizure and detention laban sa shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Noong Martes, isa namang shipment na idineklarang nutritional supplement ang naktiaan ng 3 bote na may marking na nakalagay na "marijuana leaf."

Nai-turn over na ang mga droga sa Philippine Drug Enforcement Agency office sa Central Luzon.

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.