NGCP wala pang timetable sa pagsasaayos sa nasalantang transmission lines

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2019 09:32 PM

MAYNILA - Hirap pa ang National Grid Corporation of the Philippines na agad na maibalik sa normal ang lahat ng transmission lines na napinsala ng bagyong Tisoy sa Bicol Region.

Ayon kay Frank Mabitazan, assistant vice president at department head ng NGCP Operations and Maintenance, nagpapatuloy pa ang kanilang assessment sa mga apektadong transmission lines.

Batay aniya sa initial assessment, aabot sa 19 na transmission line towers ang bumagsak, habang sa sub-transmission line poles naman ay 81 ang bumagsak, 5 ang nasira, at 70 ang bahagyang natumba. 

Bagama’t wala pang maibigay na timetable ng full restoration ng mga linya ng kuryente, sinabi ni Mabitazan na sinisikap ng NGCP na maibalik ang suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar bago mag Pasko.

Sa ngayon, nagsasagawa pa rin ng assessment at tuloy-tuloy ang physical inspection at para naman sa mga lugar na lubog pa rin sa baha, gumagamit na sila ngayon ng helicopter at drone.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.