Mahigit 200 pamilyang Aeta sa Pampanga, inilikas dahil sa bagyong Tisoy

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2019 01:48 AM

Mahigit 200 pamilyang Aeta ang inilikas mula sa kanilang mga tirahan sa Barangay Villa Maria sa bayan ng Porac dahil sa malakas na ulan dala ng bagyong Tisoy.

Kabilang ang mga barangay ng Villa Maria at Sapang Uwak sa mga lugar na landslide-prone, ayon sa lokal na pamahalaan kaya't agad na inilikas ang mga residente.

Hapon na nitong Martes nang maramdaman ang malakas na ulan na may kasamang malakas na hangin sa malaking bahagi ng Pampanga.

Bitbit ang ilang pirasong damit, mga dokumento at ang bunsong anak, nagmadali na sumama si Vangie Jose sa nga kabarangay sa pagbaba ng bundok papunta sa kabayanan ng Porac Martes ng gabi para pansamantalang lumikas sa evacuation center.

Tulad ni Jose, hindi na rin nakapag-empake ng gamit si Lucy Palo, na konting damit, plato at tasa lamang ang nadala dahil sa pagkataranta.

Aminado si Palo na hirap ang kalagayan nila lalo't anim na buwang buntis ito.

Isa ang bayan ng Porac sa mga lugar na binayo ng malakas na lindol noong Abril na nag-iwan ng malalaking bitak sa mga bahay at kalsada sa ilang upland areas.

Ayon kay Francis Caligaligan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Porac, maaaring magkaroon ng landslide sa mga nasabing barangay.

"Prone sila sa rain-induced landslides and alam naman natin na si bagyong Tisoy ay magdadala ng maraming tubig," aniya.

Bukod sa bayan ng Porac, may mga pamilya rin mula sa bayan ng Floridablanca, Lubao, San Luis, at Arayat na inilikas.

Binaha na ang ilang lugar at umapaw na rin ang tubig sa Barangay Maliwalu sa Bacolor.

Sa Bataan, nasa 287 pamilya mula sa Barangay Cabcaben sa Mariveles ang inilikas sa Mariveles Elementary School Martes ng gabi bilang bahagi ng preemptive evacuation ng lokal na pamahalaan sa mga low-lying areas at mga coastal barangays ng Mariveles.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Bataan, may mga inilikas rin silang pamilya mula sa mga bayan ng Orion, Abucay at Pilar.

Nasa 10 international at 42 domestic flights rin sa Clark International Airport ang kanselado nitong Martes dahil rin sa masamang panahon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.