'Drug lab' sa QC sinalakay

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2019 02:42 PM | Updated as of Dec 04 2019 06:59 PM

Sinalakay ng mga awtoridad noong Martes ang isang condominium unit sa Quezon City na ginagawa umanong drug lab ng isang Koreano. Retrato mula sa National Capital Region Police Office Public Information Office

MAYNILA (UPDATE) — Sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Martes ang isang condominium unit sa Quezon City na ginagawa umanong drug lab.

Sa bisa ng search warrant, ni-raid ng NBI ang condominium unit sa Barangay Santo Cristo bandang alas-3 ng hapon.

Nakuha ng mga awtoridad ang mga pakete ng hinihinalang shabu, mga kemikal, laboratory equipment, at drug paraphernalia.

Watch more in iWantTFC

Nag-ugat ang raid sa reklamo ng mga kapitbahay na may mabahong amoy sa loob ng unit, ayon kay Ross Galicia ng NBI Task Force Against Illegal Drugs.

Bago nito, naaresto ang tenant ng condominium unit na si Jungkil Kim, isang Koreano, sa buy-bust operation ng Manila police noong Linggo.

Ayon sa may-ari ng condomonium unit, hindi niya alam na ginagawa umanong shabu lab ang unit.

Ayon kay Galicia, nasa 10 kilong shabu ang kayang gawin kada araw sa laboratoryo.

Iniimbestigahan din ng mga awtoridad kung sino ang mga kasabwat ni Kim, na nahaharap sa patong-patong na kaso ng paggawa, pagbebenta at pagmamay-ari ng ilegal na droga. -- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.