Dayuhang nanghipo umano ng call center agent sa Taguig, arestado

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2019 05:20 AM

MAYNILA—Arestado ang isang Iranian national matapos umanong manghipo ng call center agent sa Taguig City.

Nakatira ang 29 anyos na suspek sa Barangay Pio del Pilar, Makati City.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Taguig City police, nilapitan ng dayuhan si alyas Ella, 21 anyos, habang naghihintay ito ng masasakyang tricycle sa Barangay Central Signal.

Nakipagkilala ito sa biktima at kinuha ang contact number. Habang nakikipag-usap ito kay Ella, bigla umanong hinawakan ng suspek ang maseselang bahagi ng biktima. 

Dalawang beses pa umano itong ginawa ng dayuhan.

Agad na isinumbong ni Ella ang insidente. Dumulog ang kaniyang magulang sa pulis dahilan para sa pagkahuli ng dayuhan.

Nakakulong sa Taguig City Police Station ang suspek at kakasuhan ito ng acts of lasciviousness.—Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.