4 na lalaki tiklo, P1-milyong halaga ng 'shabu' nasamsam sa QC

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2019 05:19 AM

MAYNILA—Nasamsam ng mga pulis ang nasa P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Barangay Old Balara, Quezon City.

Arestado rin ang 4 na lalaki, kabilang si alyas Pandoy na bagong tukoy na drug personality.

Sa isang maliit na bahay narekober ng mga pulis ang bulto-bultong shabu mula sa mga suspek.

Galing pa umano sa Bicutan ang droga na ginagamit at ibinebenta sa iba't ibang barangay sa Quezon City.

Ayon sa mga pulis, maraming nabebentahan ang mga suspek.

"Nakakaubos sila ng kalahating kilo sa isang linggo," ani Police Lt. Col. Romulus Gadaoni ng Batasan Police Station.

Pangunahing suspek si alyas Pandoy habang mga dati nang nakulong ang kaniyang 3 kasamahan.

Katuwiran ng mga suspek, pambuhay sa pamilya nila ang kinikita sa pagtutulak.

"Gipit lang po. Maraming kailangan mga kapatid ko," ani Pandoy.

Sasampahan sila ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.