Roque, Hilbay, Gadon iba't iba ang pananaw sa pananagutan ng kabataan sa krimen

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2018 08:58 PM | Updated as of Dec 12 2019 03:21 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Magkakaibang pananaw ang lumabas sa panayam ng tatlo sa mga kumakandidato para sa pagka-senador sa susunod na halalan hinggil sa usapin ng pananagutan ng mga batang sangkot sa krimen.

Sumalang para talakayin ang iba't ibang isyu sa "Ikaw Na Ba? The DZMM Senatorial Candidates' Interview" Martes ng hapon sina dating Presidential Spokesperson Harry Roque, dating Solicitor General Florin Hilbay, at Larry Gadon, pawang mga abogado. 

Ayon kay Roque, mahalagang tratuhin ang mga bata bilang bata.

"Kung nagkamali, bigyan natin ng tamang guidance. Ang pagkakakulong naman 'di rin solusyon. Pero hindi rin tama na walang parusa kapag sila'y nagkamali," sabi ni Roque. 

Importante umano ang mabigyan ng suporta ang mga bata at huwag ikulong. Bagama't pabor siya na ibaba pa rin ang edad ng pananagutan, isang panukala na pinangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, mas gusto rin niya na mabigyan ng tyansang ma-rehabilitate ang mga ito.

Ang pagbibigay solusyon sa kahirapan naman ang ipinunto ni Hilbay sa ugat ng pagkakasangkot ng mga bata sa kriminalidad. Hindi rin aniya sagot sa pagkakapariwara ng mga bata ang pagpapakulong sa kanila o ang pagbaba ng age of criminal responsibility.

"Sa akin, 'yung malawakang polisiya, iangat 'yung estado nung ating mahihirap na mamamayan para po malayo sila doon sa kriminalidad. Yun ang mas malaking sagot kaysa doon sa pagpapakulong doon sa mga partikular na tataliwas," sabi ni Hilbay.

Kakulangan rin aniya ng pamahalaan ang hindi pagbibigay ng magandang environment para sa mga bata.

"Kung may ginagawang iba ang mga kabataan na 'yan, hindi po 'yan mapapariwara," sabi ni Hilbay.

Taliwas naman ito sa paniwala ni Gadon. 

Sabi niya, walang kinalaman ang pagiging mahirap sa pagkakasangkot sa mga krimeng rape at murder.

"'Yung rape at pagpatay at iba pang karumal-dumal na mga krimen, walang kinalaman diyan ang kahirapan kung 'di 'yan ay naging natural sa kanilang pagiisip 'yung pagiging kriminal. Nagkaroon sila ng utak kriminal. Kung 'yun ang ginawa nila, dapat silang parusahan," ani Gadon.

Suhestiyon din ni Gadon sa mga mambabatas na idagdag din sa dapat managot ang mga taong gumagamit ng kabataan para sa kanilang ilegal na gawain.

"Alam nila na porke't ang mga bata 'di mapapakulong, 'yun ang ginagamit nila, kagaya ng ginagawang courier ng drugs," sabi ni Gadon.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.