Transport officials, hinarang ang caravan kontra jeepney modernization

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2017 12:59 PM

Hinirang ng mga transportation official sa España Boulevard, Maynila ang mga transport group na nagdaraos ng protest caravan nitong Lunes.

Kinompronta ng mga tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Land Transportation Office (LTO), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga miyembro ng grupong Piston at No to Jeepney Phaseout Coalition na nagsagawa ng protest caravan upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa jeepney modernization program ng gobyerno.

Ayon kay Jose Manuel Bonnevie, pinuno ng Task Force Alamid ng LTO, "out of line" ang mga jeep na isinama sa caravan dahil biyaheng Mandaluyong ang mga ito at hindi pinahihintulutang dumaan sa España.

May dalang 20 trak ang MMDA para hatakin ang mga jeep subalit humarang ang mga demonstrador.

Iginiit ng mga demonstrador na karapatan nilang gamitin ang mga jeep at magsagawa ng protest caravan.

Tumigil ang protest caravan sa España dahil doon umano makikipagtagpo ang mga demonstrador sa ibang aktibstang pangkat para sabay-sabay silang tutungo sa Mendiola.

Nitong Linggo, inanunsiyo ng transport group na Piston na ipagpapaliban muna nila ang kanilang planong tigil-pasada sa Disyembre 4 at 5.

Sa halip ay magdaraos na lang umano sila ng transport caravan.

-- Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.