Presyo ng manok, tumaas; presyo ng baboy, bumaba

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2017 10:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsimula nang tumaas ang presyo ng manok, at posibleng tumaas pa ito habang papalapit ang Pasko.

Nagtaas ng P10 hanggang P30 kada kilo ang presyo ng manok sa Balintawak Market sa Quezon City. 

Hanggang P150 na ang presyo ng kada kilo ng buong manok na dating P120 kada kilo.

Ang pakpak mula sa dating P120 kada kilo, nasa P140-P150 na.

Nasa P140 na rin ang kada kilo ngayon ng hita, kumpara sa dating presyo nitong P120 kada kilo.

Sampung piso rin ang itinaas sa presyo kada kilo ng paa at atay-balunbalunan.

Kinompirma ng Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) ang pagtaas ng presyo ng manok.

Pero kung tataas pa ulit ang presyo nito, hindi na raw ganoon kalaki dahil mataas din naman ang supply ng manok ngayong taon kumpara noong 2016.

Wala rin umanong dapat ipangamba sa bird flu virus dahil naagapan ito sa Nueva Ecija kung saan may mga manok na nagpositibo sa virus kamakailan.

Nagmura naman ang karneng baboy ng P5 hanggang P15 dahil sa dami ng suplay.

Ang pigue at kasim na dating hanggang P195 kada kilo, ngayo'y P185 kada kilo na lang.

Nasa P210 naman kada kilo ang presyo ng liempo na dati'y P220 kada kilo.

May P5 bawas naman ang kada kilo ng pata.

Inaasahan ng mga tindero ng karne na magtataas ang presyo ng karneng baboy bandang kalagitnaan ng buwan.

Kaya payo nila sa mga mamimili, bumili na sila ng karne habang maaga pa bago pa tumaas ang presyo nito

Pero sabi ng DA-BAI, steady ang suplay ng baboy kaya hindi na rin gaanong tataas ang presyo nito.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.