Bakuna sa dengue: ‘Walang pinatay, di nakaka-infection,’ pero iimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2017 11:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nilinaw ng Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng kontrobersiyal na bakuna kontra dengue, na hindi nagdudulot ng mas malalang dengue infection ang bakuna sa mga nakatanggap nito pero hindi pa nakararanas ng nasabing sakit.

"Hindi nakukuha ang severe dengue from the vaccine. Hindi dahil nabakunahan ka, nagka-severe dengue ka ... hindi siya ganoon," ani Dr. Ruby Dizon, medical director sa Sanofi Pastuer.

Nilinaw naman ni Dr. Joselito Sta. Ana, senior director sa Sanofi Pasteur, ang kahulugan ng "severe dengue" na unang lumabas sa pag-aaral nila at posibleng epekto ng bakuna.

"'Yong lagnat ng dalawang araw ... 'yong platelet count, puwedeng bumaba, puwede ring kapag nabunggo ka, magkakapasa ka at puwede ring kapag nainitan ka, magbabalinguyngoy ka," pahayag ni Sta. Ana.

"Sa pag-aaral na iyon, cinlassify na iyon as severe dengue," ani Sta. Ana.

Dagdag ng Sanofi, batay sa pag-aaral, wala pang nagkakaroon ng dengue shock o kaya naman ay namatay dahil sa bakuna.

Iginiit ng Malacañang na walang dapat ikabahala ang mga magulang.

"Wala pong dahilan para mag-panic. Tama naman po na nagkaroon ng konting bahala tayo dahil hindi naman natin alam na matapos maibigay sa mga kabataan ay akala nating complete immunity na from dengue," ani Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Lunes.

Ipinag-utos na rin ni Justice Secretary Vitaliano Aguierre sa National Bureau of Investigation na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa kontrobersiyal na bakuna.

Nanawagan din ang Department of Justice sa mga nabakunahan na nakaranas ng masamang epekto na makiisa sa imbestigasyon.

Sinabi naman ni Lydon Lee Suy, assistant secretary ng Department of Health, na bukas ang kanilang ahensiya sa anumang imbestigasyon.

Sa isang pahayag naman, sinabi ni dating Health Secretary Janette Garin na isinagawa nila ang dengue vaccination sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO).

"The dengue vaccination program plan started even before my time. We implemented it in accordance with WHO guidance and recommendations," ani Garin sa pahayag.

Nakipag-ugnayan at nagkonsulta din sila sa WHO bago ipatupad ang pagbibigay ng bakuna sa publiko, ayon pa sa kay Garin. 

Bukas umano si Garin sa imbestigasyong isasagawa ng DOJ at Senado.

Sa kabila nito, ayon sa Sanofi, hindi inirerekomenda na magpabakuna ang sinumang hindi pa nagkaroon ng dengue pero kailangan umanong isaalang-alang ang lugar na tinitirhan.

Ayon sa Sanofi, sa bansang gaya ng Pilipinas, mahirap sabihin kung nagka-dengue na ang isang tao o hindi, lalo na't yung iba'y nagkakaroon nito pero wala naman umanong sintomas.

"Dito sa Pilipinas, siyam out of ten are already exposed. Hindi ibig sabihin nito na ito 'yung mga na-ospital ... around 3/4, we already had exposure to dengue whether alam natin o hindi," ani Sta. Ana.

Handa rin makipagtulungan ang Sanofi sa imbestigasyon.

Hindi pa nagkokomento ang Sanofi kung handa silang sagutin ang ang mga bayaran kung magkaroon man ng sakit ang isang nabakunahan.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.