2 high-value target ng PDEA, timbog sa buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2017 04:00 PM | Updated as of Dec 04 2017 04:20 PM

Apat na tao, kabilang ang dalawang "high-value target," ang arestado sa isang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Maynila. Kuha ni Ron Lopez, ABS-CBN News

Arestado ang apat na tao, kabilang ang dalawang Chinese national na itinuturing bilang "high-value target," sa isang buy-bust operation sa Maynila nitong Linggo ng gabi.

Sa ikinasang operasyon ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang hotel sa M.H. Del Pilar Street, nahuli ang mga banyagang sina Hu Li Yue, alyas "Cai Olewat," at Huang Yuejin, alyas "Tony Wang."

Arestado din ang mga Pilipinong kasabwat na sina Bealyn Abaja, 18 anyos, at Albert Ferrer, 37 anyos.

Nasabat sa operasyon ang tinatayang nasa 1 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P5 milyon.

Ayon kay Ismael Fajardo, direktor ng PDEA National Capital Region, dati nang nakulong si Huang noong 2014 subalit nakalaya ito matapos mapawalang bisa ang kaniyang kaso.

Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

-- Ulat ni Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.