Babae nakitang patay matapos makipagtalo sa kasama

Ron Lopez, DZMM

Posted at Dec 04 2016 10:59 AM

Natagpuang patay ang isang babae sa Lawton, Maynila Sabado ng gabi.

Nakahandusay sa pagitan ng mga sasakyan ang katawan ng hindi pa nakikilalang babaeng nakasuot ng puting damit at gray na shorts, may taas na 5'4, at nasa 25 hanggang 35 taong gulang ang edad.

Nagtamo ang biktima ng matinding tama sa mukha na hinihinalang pinagpapalo ng matigas na bagay ngunit wala pang makitang ebidensya ang pulisya.

Ayon sa saksing si Jenny Labasbas, nakita niya ang biktima na nakikipagtalo sa isang lalaking malaking ang pangangatawan at nakasuot ng asul na damit at pantalon.

Kinaladkad, sinuntok, at sinakal pa aniya ito ng lalaki bago sila lumipat sa pagitan ng mga sasakyan. Matapos ang ilang minuto ay nakita na lamang nilang wala nang buhay ang babae.

Patuloy pang inaalam ng mga pulisya ang posibleng pagkakakilanlan ng biktima, na ayon sa mga residente sa lugar ay hindi nila madalas makita sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.