AFP chief, binigyan ng retirement honors

Angelyn Valencia, ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2016 03:24 PM

MANILA -- Ginawaran ng retirement honors ng militar si Armed Forces of the Philippines chief of staff, General Ricardo Visaya, sa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City, Sabado. 

Pinarangalan din ng PMA si Visaya bilang natatanging alumnus. 

Ayon kay Visaya, plano muna niyang magpahinga matapos ang nalalapit niyang pagreretiro sa Disyembre. 

"The formal turnover will be on December 7, pahinga muna tayo... Farming muna," sabi ng heneral. 

Ipinagmalaki rin niya ang nagawa ng Hukbong Sandatahan para mapahina ang pwersa ng mga Abu Sayyag Group at Maute terror group. 

Anya, "As of now, we are concentrating sa Abu Sayyaf and the Maute group as per order of the President... Right now we have killed 61 members of the Maute group." 

Nitong Hulyo umupo si Vsaya bilang ika-48 chief of staff ng AFP. 

Tubong Ilocos Norte, pumasok si Visaya sa PMA noong 1979 at napabilang sa Matikas Class of 1983. 

Nagtapos din siya ng Scout Ranger Course, Intelligence Officer Basic Course, Executive Course on Security Studies sa Hawaii and Masters in Project Management sa Australian Defense Force.
 
Bago pamunuan ang 125,000 kawal ng AFP, naging hepe siya ng Southern Luzon Command, assistant division commander ng 6th Infranty Division sa Cotabato, at brigade commander ng 104 Brigade sa Sultan Kudarat. 

Wala pang napipili si Pangulong Rodrigo Duterte para pumalit kay Visaya. 

"Hindi natin malalaman 'yan. There are 11 candidates to be chosen from the chief of staff na may three stars," sabi ng heneral. 

Gayunman, hangad anya niyang maituloy ng susunod na AFP chief ang kanyang mga nasimulan.