2 batang nasagasaan ng truck, patay

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2016 06:45 PM

NEGROS OCCIDENTAL -- Patay ang dalawang batang babae matapos silang masagasaan ng isang truck Linggo ng umaga sa Barangay Tabunan, Bago City.

Maagang umalis ng kanilang bahay ang magkaibingang sina Angel Marie Casidsid, 12 taong gulang, at si Daneila Robles, 13 taong gulang, para magsimba.

Habang naglalakad sa kalsada kasama ang dalawa pa nilang kaibigan, nakita nila ang isang truck na mabilis ang takbo patungo sa kanilang direksyon.

Mabilis na nakatakbo palayo si Joy Pioquinto kaya nakaiwas sa truck, ngunit nahagip sina Casidsid at Robles.

Dead on the spot si Casidsid, habang namatay naman sa ospital si Robles.

Hindi raw tumigil ang drayber at pinabayaan lang ang mga biktima sa daan. Agad namang nahuli ang drayber na si Leopoldo Pilaro Jr., sa Barangay Sum-ag sa Bacolod City.

Paliwanag ni Pilaro, hindi daw niya napansin na may nasagasaan siyang mga baya sa daan. Aminado naman itong naka-inom siya ng alak bago nangyari ang insidente.

Desidido ang pamilya ng mga biktima na magsampa ng kaso laban kay Pilaro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.