PatrolPH

Mga konsumer kumakapit sa mga alternatibong sangkap para sa Noche Buena

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2022 07:34 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Kaarawan ng isang anak ni Mercy Santos kaya may salo-salo, at isa sa mga paborito ng pamilya tuwing handaan ang spaghetti. 

Kaya naman sa Pasko, siguradong mayroon ulit silang spaghetti lalo't paborito ito ng kaniyang mga apo. 

Pero hindi lingid sa kaniya ang pagtaas ngayon ng presyo ng Noche Buena items. 

Imbis na ground beef o giniling na pork, ipagpapalit niya ito ng de latang corned beef na may tig-P40 lang kada lata. 

"Makakatulong kasi ang pagtitipid kasi meron pang darating na bagong taon so mag stretch muna ng budget," ani Santos. 

Magbabawas din si Santos ng putahe. 

"Kung ang putahe noong mga previous years na hindi pa gaanong kamahal ang bilihin mga lima apat ngayong siguro pwede na yung tatlo o dalawa basta lang may mapagsaluhan ang pamilya at tsaka masaya magkakasama yan kasi ang importante sa pasko masaya," ani Santos. 

Ang ilan, gaya ni Imelda Caputol, paunti-unting mamimili sa grocery ng panghanda sa Pasko. 

Inaabangan din niya ang mga promo para makatipid. 

"Tumitingin ako ng item na medyo mababa pa binibili ko na basta hindi lang expired yun lang ang binibili ko kung talagang kailangan di wala kahit mahal bibilhin mo," ani Caputol. 

Sa inilabas na Noche Buena price guide ng DTI noong Miyerkoles, tumaas mula 10 hanggang 27 porsiyento ang Noche Buena items ngayong 2022 mula 2021. 

-- Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.