Lumikas ang mahigit 200 residente sa Barangay Oringao sa Kabankalan City, Negros Occidental nitong Biyernes ng gabi dahil sa mga narinig nilang pagsabog.
Ang mga lumikas ay galing sa tatlong purok ng Mansawin, Pitgong at Nabalikan.
Kaagad namang nagpadala ng pagkain ang alkalde ng lungsod na si Mayor Benjie Miranda sa mga evacuee na magpapalipas ng gabi sa covered court ng barangay.
Naglagay na rin ng mga tent sa lugar para matulugan ng mga lumikas.
Sinabi ni Vice Mayor Miguel Zayco sa kaniyang Facebook page na kinumpirma sa kanya ng Philippine Army at Philippine National Police na walang engkuwentrong nangyari sa barangay.
Inaalam pa sa ngayon kung sino at ano ang pinagmulan ng pagsabog na ikinabahala ng mga residente.
Kinumpirma ni Carlo Boyayot ng City Mayor's office ng Kabankalan na nagsiuwian na nitong Sabado ng madaling araw sa kani-kanilang bahay ang mga lumikas na sa mga residente.
Ayon kay Boyayot, inihayag sa kaniya ng mga residente na alas-5 ng hapon Biyernes nang makakita umano sila ng mga nasa 30 armadong lalaki na may pulang tali.
Makalipas ang kalahating oras, may dumaang mga sundalo at hindi nagtagal nakarinig na sila ng pagsabog.
"Nag-evacute yung mga tao kasi may narinig sila na malakas na pagsabog sa lower part ng bundok tsaka may narinig ulit sila na malakas rin na pagsabog sa taas ng bundok," ani Boyayot.
Noong Miyerkoles, Nobyembre 30, nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng mga tauhan ng gobyerno at New People's Army sa Barangay Camansi na isang barangay lang ang agway sa Oringao. --Ulat ni Angelo Angolo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.