PatrolPH

60-anyos na lalaki, patay nang ma-hit-and-run sa Ilocos Sur

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2022 01:48 PM

STO. DOMINGO, Ilocos Sur - Patay ang isang 60-anyos matapos ma-hit-and-run ng sasakyan habang tumatawid sa national highway ng Barangay San Pablo sa bayang ito madaling araw nitong Miyerkoles.

Kinilala ang biktimang si Juanito Prio, isang kargador.

Sa kuha ng CCTV, makikitang habang tumatawid ang biktima sa kalsada, hindi nito napansin ang paparating na pick-up truck. 

Sinubukan itong iwasan ng sasakyan pero nahagip pa rin at nagulungan.

Ayon sa chief investigator ng Sto. Domingo Police Station na si Police Executive Master Sergeant Benito Ponce, galing sa palengke ang biktima bago mangyari ang aksidente.

Hindi pa rin matukoy ang driver ng nakabanggang itim na pick-up truck.

Dagdag ni Ponce, nanawagan ang pamilya ng biktima na sana ay sumuko ang driver at panagutan ang nangyari.

- ulat ni Dianne Dy

PANOORIN ANG KAUGNAY NA ULAT 

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.