PatrolPH

2 arestado sa pangho-holdap ng remittance center sa Agusan del Sur

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2022 05:24 PM

Naaresto sa San Francisco, Agusan del Sur ang dalawang lalaking suspek sa panghoholdap sa isang remittance center pasado alas-2 ng hapon nitong Biyernes.

Sa imbestigasyon ng Prosperidad Municipal Police Station, nakasuot ng bonnet, sunglasses at bull cap ang mga suspek nang pumasok sila sa establisimyento at nagdeklara ng holdap. 

Sa takot ng dalawang staff, ibinigay ang perang nagkakahalaga ng P20,000.

Agad nagsagawa ng checkpoint ang mga pulis at sa pamamagitan ng impormasyon mula sa Barangay Intelligence Network, natunton ang dalawang suspek na nag-iinuman sa isang establisimyento.

Narekober mula sa dalawang naaresto ang dalawang armas na may mga bala, iligal na droga, P8,138 na cash, motor, at isang hand grenade.

Nasa kustodiya na ng San Francisco Municipal Police Station ang mga naarestong lalaki.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.