Trapiko sa pag-arangkada ng number coding scheme sa Metro Manila nitong Disyembre 1, 2021. Mark Demayo, ABS-CBN News
MAYNILA - Hindi pa nakikita ng ilang eksperto na magkakaroon ng surge dala ng Omicron variant sa bansa ngayong 2021.
Gayunman, naghahanda na ang mga awtoridad oras na makapagtala sila ng kaso ng variant.
Para sa OCTA Research, base sa pangunahing datos, ang isang may Omicron variant ay kayang makahawa nang hanggang 10 tao - pero maaaring bumaba ng 1 kung bakunado ito.
"If there is going to be a surge, it will not be probably this month. It will probably be next quarter, and even then... We have such significant population immunity in the urban areas," ani OCTA Research fellow Prof. Guido David.
Mababa rin aniya ang posibilidad na bumalik sa lockdown ang Metro Manila batay sa paunang impormasyon.
Iginiit ng Department of Health na hindi puwedeng manatiling sarado ang bansa lalo't sa mga Pilipinong nais umuwi ngayong holiday season, at anila, uubra na sa ngayon ang pagiging bakunado.
"Mas mataas na ang bakunado sa bansa. That, I believe, will work. Handa na ang ating mga ospital. May mga kamang naka-standby. In-intensify natin ang border controls para ma-prevent further ang pagpasok ng Omicron," ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Sa pinakahuling tala, umakyat na sa 35 ang bilang ng mga bansang nakapagtala ng kaso ng Omicron variant.
Sinabi na ng World Health Organization (WHO) na maaaring mas nakakahawa ang Omicron bagama't hindi pa nakikitang kailangang baguhin ang paraan ng pagresponde sa virus.
Kaya giit nila, kailangan na itong paghandaan.
"The data suggest potentially higher transmissibility, so what is important is to prepare and be ready for this next surge," ani Dr. Takeshi Kasai, direktor ng WHO Western Pacific Region.
Giit din ng WHO na hindi dapat umaasa sa border control ang mga bansa ngayon.
-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.