Nagpapabakuna ang ilang residente sa Batasan Hills National High School sa pag-arangkada ng National COVID-19 Vaccination Days. Mark Demayo, ABS-CBN News
MANILA (UPDATE) — Simula ngayong Biyernes ay puwede nang magpaturok ng booster shots kontra COVID-19 ang mga 18 anyos pataas na wala sa unang tatlong priority groups.
Para malaman kung eligible na sa booster shots, dapat lagpas 6 na buwan na mula nang makumpleto ang dalawang doses ng COVID-19 vaccines.
Kung naturukan naman ng Janssen vaccine, maaari nang magpa-booster shot 3 buwan matapos maturukan ng single dose.
Dati nang nabanggit ng mga awtoridad na pinapayagan nila ang magpapa-booster na mamili kung pareho o iba ang brand ng booster sa naunang itinurok sa kanila.
Pero iginiit ng gobyerno na kuhanin na ang available na bakuna.
Sa ilang LGU, gaya ng Makati, puwede nang dumiretso sa mga vaccination site ng lungsod ang mga kalipikadong residente na doon binakunahan ng primary series.
Dapat lang dalhin ang valid ID at vaccination card. Pero kung galing sa ibang lokal na pamahalaan, mahalagang mag-register muna online.
"Mayroon po kaming Pfizer, may AstraZeneca, may Sinovac din. Mayroon din po kaming konting Moderna. Pagdating nila sa site, doon na lang nila malalaman. ’Yung nurses natin at doctors, ‘yun ang nag-a-advise sa kanila," ani Dr. Roland Unson ng Makati Health Department.
Sa Caloocan City, inirerekomenda na tanghali na pumunta ang magpapa-booster shot sapagkat prayoridad tuwing umaga ang mga magpapabakuna ng primary series ng COVID-19 vaccine.
Mala-'graduation' naman ang pagbibigay ng booster shots sa Dasmarinas, Cavite.
Tiniyak naman ng National Vaccination Operations Center na sapat ang suplay ng bakuna.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro, nagsimula na ang siyudad nila sa pamimigay ng booster shots para sa mga 18 anyos pataas na nasa A1 hanggang A5 na kategorya.
Ani Teodoro, noong isang linggo pa sila nagsimula dahil marami na ang lagpas 6 buwan magmula nang unang mabakunahan kontra COVID-19.
Sarado sa ngayon ang kanilang vaccination centers dahil naubusan na sila ng suplay at naghihintay pa ng replenishment.
Sa Sabado, Disyembre 4, naman aarangkada ang pamimigay ng booster shot sa San Juan City, ayon sa alkaldeng si Francis Zamora.
"Puwede na ho simula bukas, kinakailangan lang mag-register. Kami po ay may online registration na ginagamit at ito naman po ay naging paraan para maisaayos ang proseso. Kailanman ay hindi kami nagkaproblema sa pagbabakuna. May online registration po tayo at kinakailangan maghintay ng confirmatory text bago pumunta sa mga vaccination sites," aniya.
Sa ngayon, may 389,451 nang nabakunahan ng booster shots kontra COVID-19.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TV Patrol, PatrolPH, Tagalog News, Teleradyo, Headline Pilipinas, COVID-19, coronavirus