'Virtual muna': DOH may ilang paalala ukol sa mga Christmas party

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2021 04:22 PM | Updated as of Dec 03 2021 09:33 PM

Mga namimili ng Christmas decorations sa Dapitan Arcade sa Quezon City noong Disyembre 4, 2020. 
Mga namimili ng Christmas decorations sa Dapitan Arcade sa Quezon City noong Disyembre 4, 2020. 

MAYNILA (UPDATE) — Kahit bumubuti na ang kalagayan ng bansa pagdating sa coronavirus disease (COVID-19), nagpaalala ang Department of Health sa mga employer na mas mabuti na munang mag-virtual Christmas party sa ngayon. 

Sa isang online forum, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nananatili pa rin ang banta ng COVID-19. 

"Bagama't bumababa ang numbers sa bansa, kailangan isipin na nandiyan pa rin ang COVID virus at maari pa ring ma-infect at maka-infect," ani Vergeire. 

Pero aminado siyang may mga magtutulak na gumawa ng in-person Christmas party. 

Ngayong pinapayagan na ang mga Christmas gathering sa ilalim ng Alert Level 2, nagpaalala si Vergeire na may paraan para maiwasan ang hawahan. 

"I advise employers to require only fully-vaccinated to attend parties, that you will hold it in open space, face mask and physical distancing should be followed," aniya. 

Imbis din aniya na buffet style, dapat set meal na ang ibigay sa mga pupunta para maiwasan ang hawahan. 

Paalala naman ng Department of the Interior and Local Government na sundin ang mga itinalagang limitasyon sa venue capacity. 

Watch more on iWantTFC

"Kung alert level 2 po ang isang lugar, iyang ganyang klaseng Christmas parties is 50 percent capacity of the venue, plus 10 percent of the venue if may safety seal ang isang lugar na iyon. And precisely ang venue capacity dapat masunod sa minimum health standards, so dapat laging naka-face mask, at lagi po may social distancing," ani DILG Undersecretary Jonathan Malaya. 

Paalala naman ng Malacañang na kung sakaling may makitang clustering o pagdami ng kaso sa iisang lugar ay dapat magpatupad ng granular lockdowns. 

— Ulat nina Joyce Balancio at Raphael Bosano, ABS-CBN News

KAUGNAY NA VIDEO: 

Watch more on iWantTFC