TINGNAN: Ginang nanganak sa loob ng taxi sa Davao sa tulong ng 911 dispatch doctor

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2020 08:10 PM

Larawan mula sa Davao City Central 911

DAVAO CITY — Matagumpay na nailuwal ng isang ginang sa taxi ang malusog na babaeng sanggol Huwebes ng tanghali sa tulong ng Davao City Central 911 Emergency Medical Services.

Ayon sa report ng Central 911, manganganak na ang isang buntis lulan ng taxi papunta sa isang ospital, pero malapit lamang sila sa Central 911 Sandawa station, kaya dumiretso na lang sila rito.

Hindi nag-atubiling umalalay si Dr. Jalil Ken Dayo, na siyang duty emergency medical dispatch doctor sa oras na iyon.

Tumulong din ang ilang emergency medical technicians sa paghanda ng mga kailangang medical equipment.

Sa loob ng taxi na lang isinagawa ang pagpapaanak sa ginang.

Matapos ang delivery, inihatid din daw ng 911 team sa ospital ang mag-ina, na laking pasasalamat sa lahat ng tumulong sa kanya.

Ayon sa Central 911, sa kabila ng mga responsibilidad ngayong may pandemya, patuloy pa rin nilang ginagampan ang layuning makatulong sa anumang sitwasyon.

— Ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.