Relief goods hatid sa 3 barangay sa Tanay, Rizal

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2020 07:40 PM

Nakapaghatid ng tulong ang ABS-CBN sa Barangay Mamuyao pati na rin sa Barangay La-Iba, Tinucan, at Sta. Ines sa Tanay, Rizal. ABS-CBN News

MAYNILA - Tatlong linggo na mula nang manalasa ang bagyong Ulysses pero hindi pa rin lubos na naaalis ni Eufracio Palaña ang putik at basurang dala ng baha sa kanilang bahay sa Barangay Mamuyao sa Tanay, Rizal.

Sa cellphone video na kuha ng kaniyang kapitbahay, kita ang pag-apaw ng ilog sa tabi ng bahay ni Palaña at kung paano nito sinikap na isalba ang kaunting bigas mula sa baha - na tumangay rin ng kalahati ng kanilang bahay.

"Parang po dagat dito. Mayroong nakaraang bagyo, di naman inaabot ng ganito,” ani Palana.

Umiiyak namang nananawagan ng tulong si Ellen Obrigoso na 15 taon nang nakatira sa tabing-ilog pero ngayon lang nila naranasan ang ganitong kalalang baha.

"Nananawagan po ako ng tulong na makaalis kami diyan sa aming tinitirhan, natatakot na kami," ani Obrigoso.

Kabilang ang bayan ng Tanay sa mga lugar na maraming naitalang landslide sa kasagsagan ng Ulysses - na itinuturong dahilan kung bakit bumabaw ang mga ilog sa barangay kaya mabilis itong umapaw.

Handa sana ang barangay na alalayan ang mga residente pagdating sa relokasyon pero naging hadlang ang kawalan ng hanapbuhay na epekto ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Watch more in iWantTFC

"'Yang mga nasa tabing-ilog, pinapaalis na talaga ni Mayor. Nanghihingi sila ng budget pero wala kaming mabigay na budget," ayon sa barangay chairman na si Susan Regalario.

Umaasa ngayon sa relief goods at mga donasyon ang mga taga-barangay Mamuyao na kailangan munang tumawid ng tatlong ilog bago marating ang lugar.

Doble-ingat din ang lokal na pamahalaan sa pagpasok ng bisita sa lugar matapos may maitalang unang kaso ng COVID-19 sa upland community.

Sa tulong ng lokal na pamahalaan, nakapaghatid ng tulong ang ABS-CBN sa Barangay Mamuyao pati na rin sa Barangay La-Iba, Tinucan, at Sta. Ines.

"Nakita natin ang bawat isang Pilipino, mga Kapamilya natin nagtutulungan, kahit nasa malayong lugar, kahit di kilala. Utang na loob namin sa inyo. Parte kayo ng pagbangon ng Tanay," ani Tanay Mayor Rex Tanjuatco.

PANAWAGAN

Patuloy na kumakatok ang ABS-CBN Foundation sa puso ng bawat Kapamilya para sa mga nasalanta sa mga nagdaang bagyo.

Sa ngayon, may P33,238,257 nang nalikom ang ABS-CBN para sa mga nasalanta.

Sa mga nais mag-donate ng de lata, bottled water, bigas, kumot, at iba pa, maaaring tumawag sa numerong 3411-4995 para malaman ang pinakamalapit na drop-off point.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.