Pagpapasara sa EDSA U-Turn slot sa Bagong Barrio, ipinagpaliban ng MMDA

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2020 04:12 PM

 

MAYNILA - Ipinagpaliban ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapasara sa EDSA U-turn slot sa Bagong Barrio, Caloocan sa susunod na taon.

“Hindi muna natin isasara, apat pa po yan na U-turns na nakapuwesto diyan sa may Caloocan City after Balintawak Interchange na pin-postpone natin yung pagpapasara sa Dec. 7,” ayon kay Bong Nebrija, ng MMDA EDSA Special Traffic and Transport Zone.

Nakatakdang isara sana ang U-turn slot malapit sa General Malvar/Bagong Barrio sa Disyembre 7 para mapabilis ang biyahe ng commuters sa EDSA Busway project.

Watch more on iWantTFC

“Tatapusin muna natin yung pagdiriwang ng kapaskuhan hanggang Jan. 4 at doon na nating sisimulan ang pagsasara niyan,” sabi ni Nebrija sa panayam sa TeleRadyo Huwebes ng umaga.

Samantala, nakatakdang buksan na rin ang nauna nang isinarang exit mula sa Quirino Highway, Balong Bato sa Quezon City.

"Sinarado natin 'yan noong may ginagawa yung EEI sa Skyway. Tapos na po yung ginagawa, puwede na nating buksan. Isa rin po ito sa mitigating measures na isinasagawa natin para ibsan yung traffic sa Balintawak," sabi ni Nebrija.