EDSA noong modified enhanced community quarantine. Mark Demayo, ABS-CBN News
MAYNILA - Pag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority ang hirit na ibalik ang number coding scheme at truck ban sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, ayon sa General Manager ng tanggapan na si Jojo Garcia.
Kasunod ito ng panawagan ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian na ibalik ang coding at truck ban sa siyudad para mabawasan ang bilang ng mga sasakyan sa kalsada ngayong holiday at dahil na rin sa pandemya.
"Pag-aaralan natin. Dun po muna tayo sa coding. Sa coding kasi, hindi pa ganon ka-normal ang capacity ng public transport natin. 60-70 percent lang ang laman niyan. Pangalawa, pag nag-coding, expect loads of requests for exemption. Mga medical frontliners, essential workers,” ani Garcia sa isang virtual press conference.
Sinusupinde ng MMDA ang number coding scheme at truck ban para masiguradong hindi maaapektuhan ang paggalaw ng mga essential worker at goods sa gitna ng pandemya.
Iuurong naman sa susunod na taon ang pagsara ng mga u-turn slot pa-Monumento.
Kasama rito ang Bagong Barrio/General Malvar U-turn slot na magsasara dapat sa Lunes.
“Yung remaining U-turns hanggang Monumento, hindi muna isasara yan. Siguro by next year na kasi parami na nang parami ang lumalabas ngayong magpa-Pasko,” ani Garcia.
Parte ang pagsasara ng U-turn slots sa pagbibigay-daan sa EDSA busway project - na bahagi ng mga plano ng ahensiya para maibsan ang matinding trapiko sa Metro Manila.
Pero umani ito ng batikos dahil nagpapalala pa umano ito ng trapiko.
Muling ipinagtanggol ni Garcia ang proyekto at iginiit na mas nakakabuti ito para sa mga commuter.
“Sa U-turn... Ano ba ang naging effect ng pagsasara? Nakita naman natin, bumilis ang busway natin, ng commuters. Mas marami yan. From Monumento to Ayala, it will only take them 45 minutes. Before, it was more than 3 hours. Priority ang commuters,” ani Garcia.
“Pinabibilis natin ang mga bus. Sama-sama sila diyan, hindi magkakakilala. May COVID ngayon, ang transmission prone sa kulob na lugar... kaya gusto natin bilisan ang biyahe nila,” dagdag niya.
Bumuti rin aniya ang trapiko sa EDSA kumpara sa mga nakaraang taon.
“Nakita naman natin ang difference. Last year same date, mas masikip before COVID compared ngayon. Siguro napapansin lang ng tao na ma-traffic kasi nasanay noong MECQ na talagang walang sasakyan. Second, nakita nila ang busway, tumatakbo 50kph, sila 10kph. Mabagal talaga kasi inoovertake-an ka lang,” ani Garcia.
“Pero in terms of speed, last year walang COVID 7-9kph lang ang travel speed sa EDSA. Wala nang rush hour. Buong araw traffic ang EDSA. Ngayon, ang average speed sa EDSA 25-30kph, 3 times faster,” dagdag niya.
-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, traffic, trapiko, number coding scheme, truck ban, number coding suspension, COVID-19 traffic Philippines,