Schedule ng ilang SEA Games events naurong dahil sa sama ng panahon

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2019 08:20 PM | Updated as of Dec 03 2019 10:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Dahil sa pananalasa ng bagyong Tisoy sa ilang parte ng bansa, naapektuhan ang schedule ng ilang sporting events, maging ang flight ng ilang delegadong papasok at palabas ng Pilipinas para sa Southeast Asian Games. 

Dala ng closure sa Ninoy Aquino International Airport, naapektuhan umano ang ilang basketball team na palipad sana ng Pilipinas para sa SEA Games. 

Nakansela rin ang flight ng Arnis team ng Myanmar pauwi, dahilan para mabigyan ng accomodation ng PHISGOC. 

Posible ring ma-stranded ang ilang atleta ng Indonesia sakaling makansela ngayong gabi nang Martes ang kanilang flight. 

Pero tiniyak ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee na may nakahandang accomodation para sa kanila. 

May mga naurong din na laro dala ng pananalasa ng bagyo. 

Sa abiso ng PHISGOC, ipinagpaliban ang mga sumusunod na laro, pero hindi pa tiyak kung kailan matutuloy ang mga ito. 

SUBIC CLUSTER
- Canoe / Kayak / Traditional Boat Rowing
- Muay
- Surfing
- Sepak Takraw

SOUTHERN LUZON CLUSTER
- Underwater Hockey
- Polo
- Skateboarding

CLARK CLUSTER
- Petanque

METRO MANILA CLUSTER
- Shooting (benchrest)

Samantala, hindi pa matukoy kung ililipat ang wakeboarding, golf, at iba ang aquatic events na gaganapin sa Clark, ayon sa PHISGOC. 

Nalipat naman sa Disyembre 4 ang Sailing/Windsurfing at ang unang araw ng Beach Volleyball, pero posible pa umano itong magbago kung masama pa rin ang lagay ng panahon. 

Sa Disyembre 5 naman inilipat ang Modern Pentathlon. 

Magpapatuloy naman ang mga sumusunod na laro nang naaayon sa kanilang mga schedule: 

SOUTHERN LUZON CLUSTER 
- Cycling
- Indoor Hockey

METRO MANILA CLUSTER
- Badminton
- Fencing
- Football
- Tennis
- Weightlifting
- Wushu
- Volleyball

CLARK CLUSTER
- Rugby 7s
- Archery
- Arnis
- Athletics
- Wrestling
- Baseball
- Softball
- Lawnbowls

SUBIC CLUSTER
- Table Tennis
- Chess

Pinag-aaralan ngayon ng PHISGOC kung maaaring ilipat ng madaling araw ang ilang laro para matapos sa oras ang lahat ng sporting events, ayon kay PHISGOC chair Ramon Suzara. 

"Kung kailangan abutin tayo hanggang alas-12 ng gabi basta tapusin lang," pahayag ni Suzara sa isang press conference. 

“In the Olympic games, there were competitions held midnight hanggang morning. We can do that also. Kung kailangan umabot tayo ng alas dose ng gabi basta tapusin lang para nakakapahinga," dagdag niya. 

MEDAL TALLY 

Samantala, nagpatuloy pa rin ang paghakot ng Team Philippines ng mga medalya sa SEA Games ngayong Martes.

Muling nakahakot ng gintong medalya sina Carlos Yulo at Agatha Wong sa gymnastics at wushu, ayon sa nabanggit. 

Naka-ginto rin si Crisamuel Delfin sa non-traditional Arnis (men's division) at Mary Allin Aldeguer (women's division). Nakuha rin ng Team Philippines ang ginto sa lawn bowls, men's pairs category. 

Nakakuha naman ng silver medal sina Margaret Colonia sa women's weightlifting; habang nakuha naman ni Mary Francine Padios ang silver para sa Pencak Silat. 

Nakuha rin ng Pilipinas ang silver sa ladies fours at men triples ng lawn bowls. 

Sa pinakahuling official medal count, may 47 gold, 29 silver, at 17 bronze medals na ang Pilipinas. 

-- May ulat nina Willard Cheng at Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games