Nagpakilalang bodyguard ng Kapa founder, tiklo sa checkpoint

Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2019 01:25 PM

Baril at mga bala at bundle ng pera ang natagpuan mula sa nagpakilalang bodyguard ng Kapa founder na si Pastor Joel Apolinario

DAVAO CITY – Arestado ng mga pulis ang isang lalaking nagpakilalang bodyguard ng Kapa founder na si Pastor Joel Apolinario matapos mahulihan ng baril at mga bala sa checkpoint ng Task Force Davao at Bunawan Police Station habang papasok ng Davao City.

Martes ng umaga nang mahuli si Edilberto Naupan, 44-anyos, ng Bislig, Surigao del Sur, matapos mabigo itong magpresinta ng dokumento para sa kaniyang dalang baril.

"Wala siyang maipakitang papeles sa kaniyang dalang baril. Nang i-check natin ang kaniyang sasakyan nakuhanan rin siya ng mga bala at maraming pera. Nagpakilala rin siyang bodyguard ni Kapa founder Pastor Joel Apolinario," ayon kay Police Major Noel Villahermosa, station commander ng Bunawan Police Station.

Narekober mula sa sasakyan ng suspek ang 13 bala ng .45 kalibreng baril, limang box na may lamang 77 piraso ng bala ng .22 long rifle.

May dala ring walong bundle na tig-P500,000 si Naupan na nagkakahalaga lahat ng P4 milyon.

Dagdag ni Villahermosa, pay out daw ‘di umano ni Naupan ang nasabing pera mula sa KAPA investment scheme.

Sinubukan din umano ng suspek na bayaran ng P6,500 si Police Corporal Alicer Cañete para hindi na siya hulihin.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Bunawan Police Station ang suspek.

Inaalam din ng Bunawan Police sa National Bureau of Investigation (NBI) Region XI kung kasama si Naupan sa mga kinasuhan ng kasong syndicated estafa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.