Milyon-milyon nawalan ng kuryente, Manila airport nagsara dahil sa 'Tisoy'

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2019 05:55 PM | Updated as of Dec 03 2019 08:41 PM

(UPDATE) Milyon-milyong tao ang nawalan ng kuryente, isinara ang pangunahing paliparan ng Metro Manila, at naantala ang ilang laro sa 30th Southeast Asian (SEA) Games sa pagtawid ng bagyong Tisoy sa Luzon ngayong Martes.

Maituturing ang Tisoy bilang pinakamalakas na bagyong dumaan sa bansa ngayong taon base sa bilis ng hangin, ayon kay PAGASA forecaster Anna Clauren.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa tindi ng bagyo, bumagsak ang suplay ng kuryente sa maraming probinsya sa Luzon at Visayas.

May 28 electric cooperatives ang nakararanas ng power interruption o katumbas ng higit 1.7 milyon apektadong kostumer.

Sa Bicol, kung saan libo-libong residente ang inilikas sa evacuation centers, nararanasan ang total blackout o kawalan ng kuryente sa buong rehiyon.

Hindi pa matiyak kung kailan maibabalik ang normal na suplay ng kuryente sa Bicol dahil kailangan pang suriin kung gaano kalala ang pinsalang iniwan ng bagyo, ayon kay Frank Mabitazan, deputy head ng National Grid Corporation of the Philippines.

Hindi naman daw aabutin ng isang linggo bago maibalik ang suplay ng kuryente sa maraming lugar.

Bukod sa Bicol, wala ring kuryente sa ilang bahagi ng Batangas, Laguna at Quezon province.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagmistulang ghost town naman ang Ninoy Aquino International Airprort, na isinara simula alas-11 ng umaga bilang paghahanda sa bagyo. Kanselado ang mga biyahe ng mga eroplano hanggang alas-11 ng gabi.

Nag-abiso ang ilang airline na libre ang pagpapa-rebook ng flight sa loob ng 30 araw o puwede ring magpa-refund, pero inamin din nilang hamon para sa kanila kung paano pagkakasyahin ang mga nawalang flight sa mga susunod na araw.

Naghahanap na rin ng paraan ang tagapangasiwa ng paliparan na Manila International Airport Authority para maiwasan o mabawasan ang delayed flights sa mga susunod na araw, ayon sa general manager na si Ed Monreal.

Humingi ng pag-unawa ang airport authorities sa mga apektadong pasahero. Kailangan talaga anila isara ang paliparan dahil maaaring malagay sa panganib ang mga pasahero, ground personnel at mga eroplano.

Hindi rin magamit ang airport sa Legazpi City dahil sa pinsalang tinamo mula sa bagyo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Natuklap ang bubong at kisame, nasira ang glass fixtures, at humambalang ang mga upuan sa arrival area ng Legazpi Airport.

Dalawa naman ang patay sa pananalasa ng bagyo sa Oriental Mindoro, ayon kay Governor Hubert Dolor.

Kabilang umano sa mga nasawi ang isang 59 anyos na lalaking nabagsakan ng debris at isang nadale ng bubong na yero.

Binabantayan naman ng Maynilad at Manila Water ang kalidad ng tubig galing Angat Dam at Ipo Dam.

Posible raw kasing maging turbid o malabo ang tubig galing sa Angat dahil sa lakas ng ulan, na maaaring magpahirap sa paglilinis ng tubig bago dumaloy sa gripo ng customers ng mga concessionaire.

Na-postpone din ang ilang event ng SEA Games, na idinaraos dito sa Pilipinas hanggang Disyembre 11.

Suspendido naman ngayong Martes ang klase at government work sa mga lugar na dinaanan ng bagyo.

ILANG BAHAY GUMUHO, ILANG LUGAR ISOLATED

Sa Catanduanes, na tinamaan ng eyewall ng bagyo, gumuho ang ilang bahay, nagbagsakan ang mga sanga ng mga puno, at natumba ang mga poste ng kuryente dahil sa bagyo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Anim na barangay ang isolated o napahiwalay sa bayan ng San Miguel matapos umapaw ang Bato River pero tiniyak ni acting governor Shirley Abundo na may mga inihanda nang relief goods doon.

Patuloy na inaalam ng Catanduanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ang situwasyon sa ibang bayan pero hirap sila dahil sa mga problema sa mga linya ng komunikasyon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nawasak din ang mga bahay at nagbagsakan din ang mga puno at linya ng kuryente sa San Francisco, isa sa mga dulong bayan sa Quezon province.

Nanawagan ng tulong sa publiko si San Francisco Mayor Elvira Alega para sa muling pagbangon ng kanilang bayan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang poste ng kuryente at puno rin ang pinatumba ng malakas na hangin ng bagyo sa Tagaytay City.

Nakapagtala naman ng ilang insidente ng landslide o pagguho ng lupa ang provincial government ng Laguna.

Marami ring pananim na saging at gulay ang naiulat na nasira sa pananalasa ng bagyo sa Laguna.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Metro Manila, nakaalerto maghapon ang mga rescue team ng Metropolitan Manila Development Authority sa mga kritikal na lugar.

Wala namang naitalang matinding pagbaha ang MMDA Floor Control Unit sa capital region. Hanggang gutter deep lang daw ang baha sa ilang lugar na agad ding nawala.

NAGMATIGAS SA PAGLIKAS

Sa Maynila, iniutos ng alkalde na si Isko Moreno ang paglikas ng mga residente mula sa 5 barangay na tabing-dagat, pero marami sa mga ito ang tumanggi dahil masyado pa raw maaga.

Sa higit 5,000 pinalilikas sa mga barangay, wala pa sa kalahati ang pumunta sa evacuation center, base sa tala bandang alas-3 ng hapon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinag-utos din ang preemptive evacuation sa Valenzuela City dahil sa banta ng pagbaha pero may mga residenteng tumangging umalis sa kanilang mga bahay.

Limang barangay naman sa Quezon City ang nagpatupad ng pagpapalikas sa mga residente.

Daan-daang pasahero naman ang na-stranded sa Araneta Bus Station sa Quezon City, isa sa mga pangunahing bus terminal sa lungsod. Kanselado kasi ang mga biyahe dahil sa bagyong Tisoy.

Watch more in iWant or TFC.tv

Base sa 5 p.m. weather bulletin ng PAGASA, humina si Tisoy nang mag-landfall sa bayan ng Naujan, Oriental Mindoro nitong tanghali ng Martes.

Huling namataan ang Tisoy sa layong 110 kilometro northwest ng San Jose, Occidental Mindoro, ayon sa PAGASA. Umaabot umano sa 130 kilometro kada oras (kph) ang lakas ng hangin ng bagyo at pagbugsong 200 kph.

Inaasahang lalayo sa Luzon ang bagyo sa Miyerkoles at lalabas ng Philippine area of responsibility sa umaga ng Huwebes. -- Ulat nina Jacque Manabat, Alvin Elchico, Zyann Ambrosio, Ron Gagalac, Raphael Bosano, Raya Capulong, Dennis Datu, at Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games