Lalaking dinukot sa Bacolod City natagpuang patay

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2019 01:20 PM

Sa bakanteng lote na ito natagpuan ang bangkay ng lalaking naunang dinukot ng grupo ng mga kalalakihan sa Bacolod City. Larawan mula sa Bacolod City Police Office

Bangkay na nang matagpuan ang isang lalaking dinukot Lunes ng gabi sa Bacolod City.

Martes ng umaga nang matagpuan sa bakanteng lote sa Barangay Mandalagan ang bangkay ng biktimang si Ontao Sacar, dating pinuno ng Muslim Brotherhood Maranao Tribe sa lungsod.

Ayon sa kaniyang asawang si Norlyn Sumagaysay, Lunes ng gabi nang dukutin ang mister ng grupo ng kalalakihang naka-bonnet at sakay ng dalawang SUV habang naglalakad sila matapos kumain sa isang fastfood chain.

Hindi siya natangay ng grupo matapos niyang makatakbo papalayo.

Base sa imbestigasyon ng Philippine National Police Scene of the Crime Operatives (SOCO), nagtamo ng ilang tama ng bala sa katawan ang biktima at pininturahan pa ito ng "I love drugs" at isang smiley face sa tiyan. 

May iniwan ding placard sa bangkay kung saan may nakasulat na "Huwag tularan bigtime pusher ako.” 

Pinabulaanan naman ni Sumagaysay na may kinalaman sa ilegal na droga ang mister. Sabi niya, nagtitinda ng cellphone accessories ang 66 anyos na biktima sa isang mall sa Bacolod.

Wala rin siyang maisip na motibo o suspek sa pagpatay sa asawa. Hindi na pumayag pa ang pamilya ng biktima na ipa-autopsy ang bangkay. 

Nagtutulungan ngayon ang Police Station 2 at Police Station 3 sa pag-iimbestiga sa kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.