'Galit na galit': Ilang lugar binaha, napinsala sa pagbayo ng bagyong Tisoy

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2019 04:31 PM | Updated as of Dec 03 2019 08:33 PM

Bumigay ang isang parte ng Legazpi Airport nang bayuhin ito ng malakas na hanging dala ng bagyong Tisoy. Jose Carretero, ABS-CBN News

MAYNILA - Matinding pag-ulan at malalakas na hangin ang dala ni bagyong Tisoy sa pagdaan nito sa ilang bahagi ng Luzon simula gabi ng Lunes. 

Simula alas-7 ng gabi ng Lunes, bumayo na ang malakas na hangin sa probinsiya ng Albay - habang papalapit ang pag-landfall ng bagyo. 

Bumigay din ang ilang parte ng Legazpi Airport, ayon kay Albay governor Francis Bichara. 

Watch more in iWant or TFC.tv  

Jose Carretero, ABS-CBN News​

Nakaranas din ng malalakas na ulan at hangin ang mga residente ng Camarines Norte at Camarines Sur.

Sa Naga City, naputol ang power supply nang magsimula ang malakas na pag-ulan sa lugar. Binaha rin ang ilang lugar at natumba ang ilang puno sa lungsod. 

Tatlo naman ang nasugatan sa Samar dala ng pagbayo ng bagyo sa lugar. 

Dalawa sa mga residente ang nasugatan dahil sa storm debris, habang natabunan naman ng pader ang isa, ayon sa local disaster office. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbahagi rin ng ilang kuha ang ilang Bayan Patrollers sa Samar. 
Sa video ni Pablo Taco, makikita ang malakas na hampas ng hangin na dala ng bagyo sa bayan ng Pambujan, Northern Samar. 

Unti-unti namang tumataas ang tubig sa isang ilog sa Las Navas, Northern Samar, batay sa kuha ng Bayan Patroller na si Ronnel Beruico. 

Sa lakas naman ng paghampas ng alon sa Borongan City, Eastern Samar, nasira ang ilang cottage sa Cabong Beach, batay sa ipinadalang video ni Paul Osita. 

Nanatili namang sarado ang karamihan sa mga establisimyento sa Tayabas City, Quezon Province nitong Martes sa pananalasa ng bagyo. 

Ayon sa weather bulletin ng state weather bureau PAGASA, bahagyang humina ang bagyo nang mag-landfall sa Sorsogon Province. 

Pero "malakas" pa rin anila ito. 

Magmula alas-10 ng umaga ng Martes, huling namataan ang bagyo 55 kilometro (km) silangan ng Calapan City, Oriental Mindoro. 

Taglay nito ang lakas na hanging umaabot ng 150 km kada oras (kph) at pagbugsong 205 kph. 

Nag-landfall ang bagyo sa Gubat, Sorsogon at muling tumama sa Marinduque alas-8:30 ng umaga. Patungo na ito ngayon sa Batangas- Northern Oriental Mindoro Area. 

Nakataas sa ngayon ang Signal No. 3 sa Burias Islands, Romblon, timog na bahagi ng Quezon Province, Marinduque, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, kabilang na ang Lubang Island, Batangas, Cavite, at Laguna. 

Signal No. 2 naman ang nakataas sa Camarines Sur, Camarines Norte, Albay , Catanduanes, Sorsogon, Metro Manila, Bulacan, Bataan, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, southern Aurora, Rizal, iba pang parte ng Quezon kabilang ang Polillo Islands, Calamian Islands, Cuyo Islands, Zambales, Pangasinan, at Masbate kasama ang Ticao Islands, kanlurang bahagi ng Northern Samar, hilagang-kanlurang bahagi ng Samar Aklan, Capiz, at Northern Antique. 

Signal No. 1 naman ang nararanasan sa Southern Isabela, Benguet, Nueva Vizcaya, Ilocos Sur, La Union, Quirino, rest of Aurora, at hilagang bahagi ng Palawan iba pang bahagi ng Northern Samar, Biliran, hilagang Negros Occidental, iba pang parte ng Antique, Iloilo, Guimaras, at Leyte

Sarado rin ang Ninoy Aquino International Airport hanggang Martes ng gabi. Nag-kansela na rin ng mga flight ang ilang airline - dahilan para ma-stranded ang ilang pasahero sa mga paliparan sa iba't ibang parte ng bansa. 

Sinuspinde na rin ng ilang lokal na pamahalaan ang klase sa kanilang lugar. 

Samantala, tiniyak ng National Risk Reduction and Management Council na sapat ang kanilang suplay. 

-- May ulat nina Mylce Mella, Jose Carretero, at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.