Dahil kay 'Tisoy': Babaeng ikakasal sa Maynila, stranded sa Davao

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2019 12:30 PM

Maraming pasahero ang stranded ngayon sa paliparan sa Davao City matapos pansamantalang isara ang Ninoy Aquino International Airport dahil sa bagyong Tisoy.

DAVAO CITY – Stranded sa Francisco Bangoy International Airport ang isang 20-anyos na babae na nakatakdang ikasal Martes ng hapon matapos makansela ang flight pabalik ng Metro Manila sanhi ng pansamantalang pagsara sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa bagyong Tisoy.

Tumangging magpakilala ang babae na ikakasal sa korte sa Pasay City. 

Ayon sa kaniya, naghihintay na sana ang mapapangasawang Hapones sa Maynila pero tinanggap na lang n'ya ang sitwasyon dahil puwede naman umano malipat ang iskedyul ng kanilang kasal.

Stranded din sa airport ang 6 na vinyl installer na nagtatrabaho sa Panabo City at uuwi sana sa Cavite. Nag-aalala sila sa kanilang pamilya lalo’t apektado ng bagyo ang kanilang lugar.

Ang ilan sa mga pasahero bumiyahe pa ng malayo para makarating nang maaga sa airport tulad ng mag-asawang Madidis na bumiyahe ng 4 na oras mula sa Datu Paglas sa Maguindanao.

Mahirap anila dahil may kasama silang dalawang buwang anak. Pero na-rebook nila ang flight patungong Manila ng alas-11 ng gabi.

Karamihan sa mga pasahero ay Miyerkoles pa makakabiyahe dahil sa pagsasara ng NAIA.

Ayon kay Rex Obcena, manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines sa Davao City, hindi sagot ng mga airline company ang pagkain at accommodation ng mga stranded na pasahero dahil 
"acts of nature" ang nangyari.

Papayagan naman ng CAAP na manatili sa airport terminal ang mga apektadong pasahero. Mayroon silang Malasakit Help Desk at magbibigay ng tubig at pagkain habang may mga stranded na pasahero.

Aabot sa 22 Davao-Manila flights ang kanselado dahil sa bagyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.