Biyahe ng motorbanca, fast craft vessel sa Boracay suspendido

Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2019 03:42 PM

Sinuspinde na ang byahe ng mga motorbanca at fast craft sa Boracay Island dahil sa pagsama ng panahon. Larawan mula kay Julfe Rabe


MALAY, Aklan – Sinuspende Martes ng umaga ang biyahe ng mga motorbanca at fast craft vessels na papunta sa isla ng Boracay dahil sa bagyong Tisoy.

Ayon kay Catherine Ong, pinuno ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council sa bayan ng Malay kung saan matatagpuan ang isla, sumama na ang lagay ng panahon Martes ng umaga at malakas na ang paghampas ng alon kaya minabuti ng Philippine Coast Guard na magsuspende muna ang mga biyaheng dagat.

Sa video at retrato na kuha ng residenteng si Julfe Rabe, makikita ang paghampas ng malalakas na alon sa gilid ng Caticlan Jetty Port na nagresulta rin sa pagkasira ng ilang motorbanca.

Lunes nang suspendihin rin ang biyahe ng mga barko mula sa Caticlan, Malay, Aklan patungong Maynila dahil kabilang ang Aklan sa isinailalim sa signal number 2.
 
Umabot sa 200 pasahero ang na-stranded sa Caticlan Jetty Port pero ayon kay Ong, karamihan sa mga na-stranded ang pansamantalang tumuloy sa hotels sa Malay.

Nagparating na rin ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga na-stranded na pasahero katulad ng pagkain at inumin.

Dagdag pa ni Ong, maaari muling makabiyahe ang mga motorbanca at fast craft vessel papuntang Boracay at mga barkong patungong Maynila kapag bumuti na ang lagay ng panahon. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.