Bata sa viral abduction video, pinabulaanang dinukot siya

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2019 07:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - "Fake news" umano ang kumakalat na post sa social media tungkol sa isang bata na dinukot ng mga lalaking sakay ng van, ayon mismo sa itinuturong biktima at tatay nito. 

Kasunod ito ng pagkalat ng video ng batang si alyas "Melvin" na nagbabanggit umano na dinukot umano siya ng anim na lalaking sakay ng van at kinuha ang mga laman-loob niya, sa isang post na viral ngayon sa social media. 

Makikita rin sa mga video na may tahi-tahi sa kaniyang katawan si "Melvin"

Ayon sa ama ng lalaking si Rodolfo, peke ang balita at bunga ito ng pag-opera sa bata sa sakit na appendicitis noong 2016. 

Bumalik lang umano ang bata sa ospital para mapasuri at ipa-opera ang bata. 

Tatlong beses na raw naglayas si "Melvin" - na huling naglayas noong Nobyembre 14. Kinabukasan, inuwi raw siya ng ilang concerned citizen sa kanilang bahay sa Sapang Palay, Bulacan. 

"Appendicitis po sakit niya kaya may hiwa humihingi na po kami ng pasensya sa lahat ng naabala sa sinabi ng anak ko hindi po siya nadukot," ayon kay Rodolfo. 

Tumanggi rin ang bata sa mga nauna niyang pahayag sa panayam sa kaniya ng ilang netizen. 

Muling nagpaalala ang PNP na huwag basta-bastang maniniwala sa mga naturang balita. 

Watch more in iWant or TFC.tv

4 NAWAWALA SA PASAY 

Samantala, palaisipan para sa pamilya ng apat na lalaki sa Barangay 14, Pasay City ang kalagayan ng kanilang mga kaanak na nawawala ngayon. 

Kinilala ang apat na sina Joshua Ramirez, 17, Norialle Butiong, 21, Roujen Servan, 21, at BG Siposo, na tinatayang nasa 19-21 anyos. 

Napag-alamang magkakaibigan ang apat na umano'y nawawala. 

“Parang awa niyo na, isauli niyo na sa amin yung mga anak namin lalo na magpa-Pasko,” ayon kay Rebecca Ramirez, ina ni Joshua. 

Patuloy na iniimbestigahan ng Pasay City Police ang kaso. Inaalam din kung may koneksyon ang pagkawala ng apat na kabataan sa pagkadukot kay Sebastian Montoya sa ibang barangay sa lungsod. 

-- Ulat nina Doland Castro at Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.