6 menor de edad nasagip sa 'pambubugaw' ng kapitbahay

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2019 03:30 PM | Updated as of Dec 04 2019 07:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Anim na menor de edad ang nasagip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) mula sa umano ay tangkang pambubugaw ng kanilang kapitbahay.

Dinampot ng mga taga-NBI Anti-Violence Against Women and Children Division (AVAWCD) ang suspek na si alyas "Angela" sa isang restoran matapos nitong tanggapin ang pera mula sa operatibang nagpanggap na kostumer.

Ibinugaw umano ni "Angela" ang mga kapitbahay niyang menor de edad sa halagang P3,000 kada babae.

Niyayaya ng suspek ang mga biktima na kumain sa labas habang hindi alam ng mga ito na ibubugaw sila, ayon kay Olga Angustia-Gonzalez, hepe ng NBI-AVAWCD.

Itinanggi ni "Angela" ang paratang at sinabing inimbita lang niyang kumain sa restoran ang mga biktima.

Noong Abril, inaresto ang pinsan ni "Angela" dahil din sa pambubugaw, ayon kay Gonzalez.

Idinadaan daw ng magpinsan ang transaksiyon online.

Ikinulong si "Angela" dahil sa patong-patong na kaso, kabilang ang human trafficking. -- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.