8 arestado sa Taguig drug bust

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2019 03:48 PM

Walong tao ang naaresto ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa Taguig City noong gabi ng Lunes, ayon sa pulisya.

Matapos makipagtransaksiyon sa operatibang nagpanggap na buyer, hinuli ng mga awtoridad ang target ng operasyon na si alyas "Datu," 40 anyos, ayon sa ulat ng Taguig police.

Kasama umanong naaresto ni "Datu" ang 5 lalaki at 2 babae, na may mga edad na naglalaro sa 26 hanggang 50 anyos.

Ikinasa ang operasyon bandang alas-7:20 ng gabi sa Balanacan Street, Barangay Napindan, sabi ng pulisya.

Nakumpiska sa mga suspek ang 11 sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na tinatayang nasa 9.57 gramo at nagkakahalagang P65,076.

Nakuha rin ang isang sumpak, 2 cellphone, at perang ginamit sa operasyon.

Nakadetine sa Taguig City Police Station ang mga suspek, na nahaharap sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs of 2002 at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.