3 tiklo, higit P400,000 halaga ng 'shabu' nasamsam sa Bacoor

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2019 02:25 PM

Inabutan ang 3 babae sa buy-bust operation sa Bacoor City, Cavite. ABS-CBN News

CAVITE—Arestado ang isang itinuturing na high-value target drug suspect at 2 niyang kasamahan sa buy-bust operation sa Bacoor City, Cavite nitong Lunes.

Nasamsam ng mga pulis ang mahigit P400,000 halaga ng hinihinalang shabu sa bahay ni alyas Jane sa Barangay Gawaran, Molino 7.

Ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng sumbong ang pulisya ukol sa umano'y bentahan ng shabu malapit sa itinalagang route security sa Daang Hari Road para sa 30th Southeast Asian (SEA) Games. 

"Iniisip nila they can take advantage of the situation na mas madali nilang ilalako 'yong kanilang paninda kasi 'yong mga pulis busy sa pagse-secure ng mga delegado," ani Police Col. Marlon Santos, director ng Cavite Police Provincial Office.

Ayon sa pulisya, si Jane at kaniyang kinakasama ang isa sa mga pinagmumulan ng ilegal na droga sa National Capital Region (NCR) at nagtatago lamang sa Bacoor.

Aminado ang suspek sa pagtutulak ng droga para libre ring makagamit, pero itinanggi niyang kasabwat nila sa pagbebenta ang mga kasama niyang inaresto.

"Pambuhay lang po ng anak ko. Hindi kasi nagbibigay ng sustento 'yong tatay nila," aniya.

"Pag-uusapan lang po sana namin 'yong reunion," depensa ng kasamahan ni Jane.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.