3 lalaki nasagip matapos ma-trap sa water tank

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2019 04:49 PM

Agad sinaklolohan ang isa sa tatlong trabahador matapos na kapusin ng hanging habang nasa ilalim ng water tank ng isang compound. Larawan mula sa Dumaguete City Bureau of Fire Protection

Tatlong trabahador ang nasagip matapos ma-trap sa isang water tank sa loob ng isang compound sa Sta. Rosa Street sa Dumaguete City, Negros Oriental, Martes ng umaga.

Kapansin-pansin na walang suot na safety equipment ang mga trabahador habang nasa water tank na tinatayang may 14 talampakan ang lalim, ayon kay SFO2 Edwin Nazareno.

Posible raw na kinapos sa hangin ang mga trabahador kaya nabigo silang makaahon sa nililinis na water tank.

Agad namang rumesponde ang mga rescuer ng Dumaguete City Bureau of Fire Protection at nailigtas ang 3 lalaki.

Iminungkahi ng Bureau of Fire Protection sa employer ng 3 na dapat magkaroon ng safety officer upang makasiguro na ligtas at mailayo sa peligro ang mga nagtatrabaho sa mga katulad na lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.