PatrolPH

Pagpapalawig ng Mindanao martial law, irerekomenda ng militar

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2018 03:33 PM | Updated as of Dec 03 2018 08:08 PM

Pagpapalawig ng Mindanao martial law, irerekomenda ng militar 1
Armed Forces of the Philippines chief of staff Carlito Galvez Jr. at Pangulong Rodrigo Duterte. Alfred Frias, Malacañang Photo

Irerekomenda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin nang isa pang taon ang martial law sa Mindanao.

Ayon kay AFP chief of staff Carlito Galvez, mayroon daw "clamor" o maingay na pahayag ng kahilingan sa pagpapalawig ng martial law dahil sa banta ng terorismo sa Mindanao.

"We will be recommending," sabi ngayong Lunes ni Galvez.

"There is really a clamor for the extension considering that the terrorism is still lurking in the area," ani Galvez.

Watch more on iWantTFC

Suportado naman ng Philippine National Police (PNP) ang panukala ng AFP dahil makatutulong daw ito sa pagpigil sa "lawless violence" sa lugar, sabi ni PNP chief Director General Oscar Albayalde.

Makatutulong din, ani Albayalde, ang batas militar sa pagtiyak ng seguridad para sa plebisito ng Bangsamoro at halalan sa susunod na taon.

"Pabor sa amin 'yan because of the upcoming plebiscite and upcoming elections," ani Albayalde.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, susuriin pa ng pangulo ang rekomendasyon pero maaaring mapapayag ito dahil daw sa suportang natatanggap ng martial law sa Mindanao.

"If the threat remains and there is still an ongoing rebellion, then constitutionally, the basis will be valid for continuation of martial law," sabi ni Panelo.

Nakatakdang magwakas ang martial law sa Mindanao sa Disyembre 31.

Pumayag ang Kongreso noong 2017 na palawigin ang martial law sa Mindanao ngayong taon para sugpuin ang umano ay banta ng terorismo sa lugar.

Isinailalim ni Pangulong Duterte sa martial law ang militar dahil sa paglusob ng teroristang grupong Maute sa Marawi City noong Mayo 2017.

Tutol naman ang ilang miyembro ng oposisyon sa Kamara sa ipinapanukala ng militar.

Ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, ang militar ang siyang nagka-"clamor" para palawigin ang batas militar at hindi ang mga taga-Mindanao.

"Actually, if we would leave it to the AFP, they would recommend martial [law] forever, not only for Mindanao but for the whole country," ani Zarate.

"It is pitiable that Galvez and the military cannot even candidly admit that they are the ones actually 'clamoring' for martial law extension and not the majority of Mindanaoans," ani Zarate.

Bilang pagtugon din sa "lawless violence," ipinag-utos din ni Duterte noong nakaraang buwan ang pagtatalaga ng karagdagang tropa sa Samar, Negros at Bicol region.

-- May ulat nina Jorge Cariño, Zhander Cayabyab, Pia Gutierrez at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.