Hepe ng militar, balak kasuhan dahil sa 'red tagging'

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2018 08:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kakasuhan ng Makabayan bloc si Armed Forces of the Philippines chief General Carlito Galvez matapos akusahang mga aktibong miyembro ng New People's Army (NPA) ang dalawang aktibista.

Ayon kay Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao, delikado at walang basehan ang pahayag ni Galvez na mga komunistang rebelde sina dating Bayan Muna party-list Rep. Satur Ocampo at ACT Teachers party-list Rep. France Castro.

"We will file a case sa Ombudsman for the military. This is a very dangerous and baseless statement. 'Di puwedeng palampasin namin itong ginawa nila sa mga lider-aktibista," sabi ni Casilao.

Nauna nang itanggi ni Ocampo ang pagiging miyembro ng mga komunistang rebelde at sinabing mas pinili niyang makiisa sa "open, legal protest mass movement" noong 1999.

Pakiramdam naman ni Castro ay determinado ang gobyerno na ikulong sila ni Ocampo.

"Mag-imbento na naman sila ng ikakaso sa amin o sa akin sa pamamagitan ng pagsasabi na kami daw ay mga miyembro ng NPA," ani Castro.

Nakalaya sina Castro at Ocampo matapos magpiyansa ng tig-P80,000 noong Sabado.

Kinulong sila ng apat na araw sa Talaingod, Davao sa mga kasong kidnapping, child abuse at trafficking dahil sa pagsama nila sa mga menor de edad nang wala umanong paalam sa mga magulang.

Pero nanindigan sina Ocampo at Castro na humanitarian mission ang pakay nila sa Lumad schools sa Talaingod.

Sa isang panayam ngayong Lunes, itinanggi ni Ocampo ang paratang na nagre-recruit ang mga komunistang rebelde ng mga menor de edad sa mga lugar ng mga Lumad.

"There is a rule in the CPP-NPA against recruitment of minors so definitely that could not be a part of the program of the NPA," ani Ocampo.

Nanindigan naman si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na dapat tratuhin nang buong respeto ang mga mambabatas gaya ni Castro.

Hinikayat din ni Arroyo ang mabilisang pagresolba sa kaso ni Castro.

Nagdaos naman ng protesta sa harap ng Talaingod police station ang higit 300 Lumad.

Kinondena nila ang umano ay pag-atake, pang-aabuso at panloloko ng mga NPA sa mga Lumad, lalo sa mga bata sa iba't ibang lugar sa Mindanao.

--Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.